top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Parusa sa nagpapanggap na arkitekto

Writer: BULGAR
BULGAR
May 11, 2024
3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 11, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang kapatid ko ay nagpagawa ng sementadong garahe sa bakuran ng kanyang bukirin sa probinsya. May nagpakilala sa kanya na isa diumanong arkitekto. Siya diumano ang kokontrata sa paggawa ng kanyang garahe. Pumayag ang kapatid ko na kunin ang serbisyo ng nagpakilalang arkitekto matapos itong magpakita ng kanyang ID at mga dokumento. Ngunit bago pa umabot sa kalagitnaan ng paggawa ng garahe ay tumigil na ang arkitekto at ang mga tauhan nito sa kanilang paggawa at hindi na natapos hangga’t umabot na sa demandahan matapos din ang iba’t ibang pagdadahilan ng nagpakilalang arkitekto. 


Matapos makapagsampa ng kaso ang kapatid ko tungkol sa hindi tinapos na proyekto ay napag-alaman namin na hindi pala totoong arkitekto ang kumontrata sa paggawa ng garahe niya. Hinanap din namin sa talaan ng Professional Regulatory Commission o PRC kung rehistradong arkitekto nga ang nasabing tao at doon namin nasigurado na hindi kasama ang pangalan niya sa talaan ng totoong mga arkitekto. Laking gulat namin dito dahil may calling card pa ito na nagpapakilalang arkitekto, pati sa mga dokumento niya ay nakasulat at nagpapakilala siya bilang arkitekto. Dahil dito, gusto naming malaman kung may pananagutan ba ang nagpakilalang arkitekto kahit hindi naman pala siya tunay na arkitekto. Salamat sa magiging payo ninyo. — Alex



Dear Alex, 


Marapat tayong sumangguni sa Republic Act (R.A.) No. 9266, na kilala bilang “The Architecture Act of 2004”, maging sa Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, upang masagot ang iyong katanungan. Ang batas na ito ay ipinasa bilang tugon sa pagbibigay ng pangkalahatang patakaran sa pagpapatala at pagsasanay ng propesyon ng mga arkitekto, alinsunod sa pagkilala sa kanilang kahalagahan sa pagpapaunlad ng bayan, at para sa paglilinang ng kanilang kakayahan at kahusayan ng kanilang propesyon. (Sec. 2, R.A. No. 9266) 


Ayon sa Rule 1, Section 3 (2) ng IRR ng R.A. No. 9226, itinuturing na arkitekto ang sumusunod na tao: 


“[A] person professionally and academically qualified, registered and licensed under R.A. No. 9266 with a Certificate of Registration and Professional Identification Card issued by the Professional Regulatory Board of Architecture and the Professional Regulation Commission, and who is responsible for advocating the fair and sustainable development, welfare and cultural expression of society’s habitat in terms of space, forms and historical context.”

 

Ibig sabihin ng batas na ito, isang arkitekto ang taong kuwalipikado, matapos makapag-aral, makapagpatala at makakuha ng lisensya mula sa Professional Regulatory Board of Architecture (PRBA) at Professional Regulatory Commission (PRC). 


Dagdag pa rito, nakasaad din sa batas na walang sinuman ang pinahihintulutang magsagawa ng gawain ng isang arkitekto o ‘di kaya ay maglahad o magpahiwatig ng pagiging arkitekto sa kanyang pagkakakilanlan o pirma, maliban kung may natanggap siya na sertipikasyon ng pagkakatala at professional identification card mula sa PRBA at PRC. (Rule IV, Section 25, IRR)


Ito ay higit pang binibigyang-diin ng IRR ng R.A. No. 9226 na hayagang nagbabawal at nagpapataw ng kaukulang parusa sa sinumang magpapakilala, magsasanay, o mag-aalok ng serbisyo bilang arkitekto sa kabila ng kawalan ng kaukulang lisensya, kung saan sinasabi na: 


“Any person who shall practice or offer to practice architecture in the Philippines without being registered/licensed and who are not holders of temporary or special permits in accordance with the provisions of R.A. No. 9266… xxx …or any person who shall use in connection with his/her name or otherwise assume, use or advertise any title or description tending to convey the impression that he/she is an architect when he/she is not an architect … xxx

             …shall be guilty of misdemeanor and charged in court by the Commission and shall, upon conviction be sentenced to a fine of not less than One hundred thousand pesos (P100,000.00) but not more than Five million pesos (P5,000,000.00) or to suffer imprisonment for a period not less than six (6) months or not exceeding six (6) years or both, at the discretion of the Court.” (Sec. 29, IRR of RA 9266)


Makikita sa nabanggit na batas na ang pagsasanay ng trabaho ng arkitekto, kasama ang pagpapakilala ng pagiging bahagi ng nasabing propesyon, sa kabila ng kawalan ng kaukulang lisensya at patunay ng pagkakatala, ay isang kriminal na gawain na mayroong kaakibat na mabigat na multa at pagkakakulong. Dahil dito maaari kayong magsampa ng kaukulang kaso laban sa kontraktor na kinuha ng iyong kapatid na nagpapanggap at nagpapakilala bilang isang ganap na arkitekto, bagama’t wala siyang kaukulang lisensya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page