Parusa sa mapatutunayang sangkot sa estafa
- BULGAR

- Feb 3, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 3, 2021
Dear Chief Acosta,
Minsan, ako ay namasyal sa grocery. Hindi sinasadya ay nabangga ko ang estante na nagresulta sa pagkabasag ng mga laman nitong panindang baso. Maayos naman akong nakipag-usap sa may-ari ng tindahan. Nagkasundo kaming babalik ako kinabukasan upang bayaran ang aking mga nasira. Kinabukasan ng umaga pagkatapos nang nasabing pangyayari ay may pumuntang babae sa bahay ko na nagpakilalang tauhan ng nasabing tindahan, at sa kanya ko inabot ang halaga ng aking nasira na umabot ng P19,000. Nagulat ako dahil nang hapon din na ‘yun ay tinawagan ako ng may-ari ng tindahan para kunin ang bayad ko. Pinaliwanag ko na nakapagbayad na ako sa tauhan niyang pumunta sa akin noong umagang ‘yun. Napag-alaman namin na hindi niya pala tauhan ang pumunta sa akin upang mangolekta. Gusto kong malaman kung may pananagutan ba ang taong nagpanggap at naningil ng bayad ko para sa tindahan? Gusto kong maibalik ang perang nakuha sa akin. Sana ay mabigyan ninyo ako ng kaliwanagan. – Lidi
Dear Lidi,
Ayon sa inyong salaysay, malinaw na may pananagutan ang taong nagpanggap na tauhan ng nabanggit ninyong tindahan, at na siya ring kumuha ng inyong pera. Ang ginawang pagpapanggap na ito para makuha ang inyong pera ay isang uri ng krimen na tinatawag na estafa.
Itinatakda ng ating batas na sinumang gagawa ng panloloko sa pamamagitan ng paggamit ng huwad na pangalan o maling pagpapanggap na may kapangyarihan, impluwensiya, kuwalipikasyon o iba pang pamamaraan ng panlilinlang ay mananagot sa kasong estafa (Art. 315, Revised Penal Code of the Philippines). Ang taong mapatutunayang gumawa ng estafa ay mahahatulan ng pagkakakulong na may parusang prision correctional sa maximum period hanggang prision mayor sa minimum period, na may katumbas na apat (4) na taon dalawang (2) buwan at isang (1) araw hanggang walong (8) taon na pagkakakulong. (Ibid).
Dagdag dito, maaari ring magkaroon ng pananagutang sibil para sa damages o pinsala sa halagang nakuha niya sa inyo. Sa inyong pagnanais na mabawi ang perang nakuha niya sa inyo, maaari at tama lang na igiit ninyo na ibalik niya ito sa inyo. Sakali mang hindi niya kusang ibalik ang pera ninyo, maaari kayong magsampa ng kasong sibil para habulin ang pinsala na idinulot ng kanyang kriminal na gawain. Kaugnay nito, maigi rin na malaman ninyong ang kasong sibil para sa pagbawi ng sibil niya na pananagutan ay ipinagpapalagay ng batas na kasama na sa kriminal na kasong inyong isasampa sakali mang mapag-isipan ninyong ituloy ang kriminal na kasong estafa laban sa gumawa nito sa inyo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments