Parusa sa estudyanteng nagpapanggap na biktima ng bullying kahit hindi naman
Updated: Sep 20, 2022
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 19, 2022
Dear Chief Acosta,
May kaibigan ako sa aming paaralan na nagsasabing siya ay biktima ng bullying. Ngunit nalaman ko na hindi siya nagsasabi ng totoo at gusto lamang niyang maparusahan ang kinaiinisan niyang estudyante. Nais ko lamang malaman kung ano ang kaparusahang maaaring ipataw ng paaralan sa estudyante kung ito ay mapatunayang nagsinungaling lamang o gumawa ng kuwento na siya ay biktima ng bullying? - Myrna
Dear Myrna,
Para sa iyong kaalaman, alinsunod sa Republic Act No. 10627 o ang “Anti-Bullying Act of 2013”, ang mga paaralan ay kailangang magtalaga ng mga polisiya tungkol sa bullying, kasama na ang pagdisiplina sa estudyante na maghahayag ng maling paratang ng bullying. Ayon sa Seksyon 3 (e) ng nasabing batas:
“SEC. 3. Adoption of Anti-Bullying Policies. – All elementary and secondary schools are hereby directed to adopt policies to address the existence of bullying in their respective institutions. Such policies shall be regularly updated and, at a minimum, shall include provisions which:
xxx
(e) Subject a student who knowingly makes a false accusation of bullying to disciplinary administrative action;”
Bukod dito, ayon sa Section 10 (B) (i), Rule VI ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas:
“i. False Accusation of Bullying
If the student, after an investigation, is found to have knowingly made a false accusation of bullying, the said student shall be subjected to disciplinary actions or to appropriate interventions in accordance with the existing rules and regulations of the Department or the private school.”
Base sa nabanggit na panuntunan, ang estudyanteng mapatutunayang sadyang gumawa ng maling akusasyon kaugnay ng bullying ay mapapatawan ng kaukulang pagdidisiplina o sumailalim sa nararapat na pakikialam o intervention sang-ayon sa mga umiiral na patakaran at regulasyon ng Kagawaran ng Edukasyon o ng paaralang kanyang kinabibilangan.
Kaya naman, dapat mong payuhan ang iyong kaibigan tungkol sa maaari niyang harapin kung patuloy siyang magbibigay ng maling paratang ng bullying. Ang bullying ay seryosong paratang na hindi dapat ginagamit para sa pansariling kalamangan. Bagkus, ito ay dapat lamang gamitin sa mga sitwasyon na totoong nagkaroon ng bullying kung saan ang parehong biktima at bully ay nangangailangan ng tulong upang maituwid o mapabuti ang kanilang mga landasin.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments