Parusa dapat, hindi pagbibitiw sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan
- BULGAR

- Oct 7
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 7, 2025

Sa rami ng problema ng bansa at sa lumalalang isyu ng katiwalian sa pamahalaan, tila nakakasawa na hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot.
Kaya naman sa gitna ng mga isyung ito, muling umingay ang pangalan ni Senador Alan Peter Cayetano matapos manawagan na sabay-sabay na magbitiw sa puwesto ang lahat ng opisyal ng gobyerno mula Malacañang hanggang Kongreso at magdaos ng snap election para makapili ng bagong hanay ng mga lider.
Ayon kay Cayetano, ito raw ang tanging paraan upang maibalik ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno matapos ang sunud-sunod na kontrobersya ng korupsiyon. Tinawag ng senador ang panukala niya bilang pambansang reset button — isang simbolikong hakbang ng radical honesty na magpapakita umano ng tunay na pananagutan.
Giit pa niya, ang paglilingkod sa bayan ay hindi dapat nakasentro sa kapangyarihan, kundi sa muling pagbuhay ng tiwala ng mamamayan.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin niya na wala dapat sa mga kasalukuyang opisyal ang payagang tumakbong muli sakaling maganap ang snap election.
Gayunman, hindi lahat ay kumbinsido. Ayon sa ilang political analyst, ang ideya ng senador ay magandang pakinggan pero walang legal na basehan. Paliwanag nila, wala sa 1987 Constitution ang probisyon para sa snap elections, at tanging sa parliamentary system lang posible ito. Dagdag pa ng isa sa naturang analyst, kung talagang seryoso si Cayetano sa kanyang panawagan, siya mismo ang dapat unang magbitiw bilang ehemplo ng radical honesty na kanyang isinusulong.
Hindi rin pinalagpas ng mga kritiko ang isyung kredibilidad. Anila, si Cayetano at ilang kaalyado nito ay hindi rin ligtas sa mga kontrobersya, mula sa pagkaantala ng impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte hanggang sa isyu ng budget insertions. Kaya para sa marami, tila mahirap paniwalaan na ang panawagan ng reporma ay magmumula sa mga taong bahagi rin ng sistemang tinutuligsa nila.
Sa parte naman ng Commission on Elections (Comelec), imposible ring maisagawa ang mungkahing snap election dahil may nakatakdang termino ang bawat halal na opisyal. Paglilinaw pa ng Comelec na ang tanging paraan para maputol ang termino ay sa pamamagitan ng mga probisyon ng batas, hindi sa pagbibitiw ng mga opisyal.
Ang panawagan ni Cayetano ay nagsilbing paalala sa katotohanang bumaba na nga ang kumpiyansa ng mga Pinoy sa gobyerno. Ngunit kung tunay na reporma ang hangad, hindi ito dapat nagsisimula sa sigaw ng pagbabago, kundi sa mismong aksyon.
Ang reset na kailangan ng bayan ay hindi lang pagbibitiw sa posisyon, bagkus nakikita sa ugali at karakter ng lahat ng nanunungkulan.
Ang totoong radical honesty ay hindi lamang puro salita, kundi ganap ang katapatan sa pagseserbisyo at handang magsakripisyo para sa mamamayan at bayan.
Hindi rin snap election ang sagot sa nangyayaring katiwalian sa gobyerno, kundi ang matapang na pagtanggap ng bawat lider na sila mismo ang kailangang magbago para sa kapakanan ng taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments