top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Partylist groups na pasaway, nasampulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 28, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Feb. 28, 2025



Boses by Ryan Sison

Sadya bang pasaway o nagmamaang-maangan lamang ang ilang kandidato na hindi sumusunod sa mga panuntunan sa pangangampanya?   


Nasa 34 partylist groups na kalahok sa May 2025 elections ang padadalhan ng Commission on Elections (Comelec) ng notice of removal dahil sa patuloy na paglabag sa guidelines sa tamang paglalagay ng campaign materials.


Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, maglalabas sila ng mga abiso para sa mga naturang partylist organization na nag-aatas sa mga itong tanggalin ang kanilang mga campaign material.


Ipinaliwanag ni Garcia na ang mga campaign material ng mga naturang partylist ay may mga maling sukat at naglalakihan, hindi environment-friendly at nasa maling lugar ng pagpapaskil. 


Binigyang-diin naman ng Comelec chief na magiging regular practice na ito ng komisyon hinggil sa pagbandera ng mga kandidatong lumalabag sa campaign rules.

Aniya, bibigyan ang mga grupong ito ng tatlong araw upang alisin ang kanilang campaign materials, at kung hindi ay magpa-file sila ng disqualification case laban sa mga ito.


Kaugnay nito, sinabi ni Comelec Commissioner Noli Pipo na hindi basta-basta puwedeng tanggalin ng poll body ang mga political billboard sa mga private properties dahil sa umiiral na Supreme Court ruling. Batay aniya sa SC, hindi mapipigilan ng Comelec ang mga pribadong indibidwal na magpahayag ng kanilang suporta sa mga kandidato.


Matatandaang nagsimula ang campaign period para sa mga senatorial candidate at partylist organizations noong February 11 na tatagal hanggang May 10.

Totoong hindi maganda ang ginagawa ng ilang partylist groups na maling nagpapaskil ng mga campaign material.


Halos ang kanilang mga poster ay hindi nakabubuti sa ating kalikasan o hindi environmental friendly dahil marahil sa kakaibang materyales na ginamit dito. May iba naman sa kanila ay nagtataglay ng napakalaking campaign poster habang mayroong mga nakapaskil sa hindi tama o pinayagang lugar ng poll body. 


Kaya naman mainam na agad na naaksyunan ito ng kinauukulan para hindi na dumami pa ang mga pasaway sa naturang grupo.


Sa mga kandidato, huwag na sanang makulit o isipin na makakalusot kayo sa ganitong istilo. Dapat na sumunod sa polisiya ng Comelec para hindi naman nakakahiya sa inyong grupo. Alalahanin din sana na posibleng ma-disqualify pa kayo at mabalewala ang pinaghirapan dahil lamang sa ganyang uri ng kapabayaan. 


Sa ating mga kababayan, ngayong nalalapit na ang eleksyon dapat ay napag-isipan na nating mabuti ang mga ibobotong kandidato. Bukod sa pagiging tapat at handang magserbisyo, isama natin sa ating listahan ay mga kandidato na mapagmahal at may malasakit sa ating kalikasan nang sa gayon ay totoong umusad na ang ating kabuhayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page