Partner clinic ng recruitment agency para sa OFWs
- BULGAR

- Jan 2, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 2, 2021
Dear Chief Acosta,
Pumunta ako sa landbased overseas recruitment agency para maghanap ng trabaho sa ibang bansa. Subalit ipinaalam sa akin na mayroon diumano silang alituntunin na bago ako makakuha ng trabaho sa ibang bansa ay dapat magpa-medical checkup ako sa kanilang partner clinic, at bawal diumano akong pumili ng ibang clinic. Ako rin diumano ang dapat magbayad para sa naturang checkup. May batas ba tungkol dito? – Bernadette
Dear Bernadette,
Ang batas na sumasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 3 (d), Rule IV ng Implementing Rules ng Republic Act (R.A.) No. 10022, kung saan nakasaad ang sumusunod:
“Sec. 3. Other Prohibited Acts.
In addition to the acts enumerated above, it shall also be unlawful for any person or entity to commit the following prohibited acts: xxx
d. Impose a compulsory and exclusive arrangement whereby an OFW is required to undergo health examinations only from specifically designated medical clinics, institutions, entities or persons, except in the case of a seafarer whose medical examination cost is shouldered by the principal/shipowner;”Ayon sa nasabing batas, kasama sa “other prohibited acts” ang pagpataw ng sapilitan at eksklusibong alituntunin kung saan ang overseas Filipino worker (OFW) ay kinakailangang sumailalim sa pagsusuri ng kanyang kalusugan mula lamang sa partikular na mga klinika, mga institusyon, at mga entity o tao, maliban sa kaso ng seafarer na kung saan ang gastos para sa kanyang mga medikal na pagsusuri ay babayaran ng principal o shipowner. Sa inyong sitwasyon, malinaw na hindi nararapat na kayo ay pilitin na kumuha ng medical examination sa partner clinic ng inyong recruitment agency at wala na kayong pwedeng pagpilian pang ibang clinic, at kung saan kayo pa ang magbabayad ng inyong medical expense. Isa itong “prohibited act” na ipinagbabawal ng Migrant Workers Act at ng Implementing Rules nito.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments