Partehan sa ari-arian ng mag-asawa bago magpakasal
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 09, 2021
Dear Chief Acosta,
Nagpaplanong magpakasal ang kapatid ko sa susunod na taon. Siya at ang kanyang
mapapangasawa ay mayroon nang naipundar sa sarili nilang pagsisikap bago pa man sila magkakilala. Automatic ba na magiging pagmamay-ari nila pareho ang naipundar ng bawat isa sa kanila sa oras na sila ay ikasal? O, maaari silang makapamili kung ano ang magiging relasyon ng kanilang ari-arian? – Garvy
Dear Garvy,
Ang relasyon ng mag-asawa kaugnay sa kanilang ari-arian ay nasasaklaw ng kung ano ang legal na mapagkakasunduan nila, ng probisyon ng ating batas, at ng lokal na kaugalian. Ito ay alinsunod sa Article 74 ng Family Code of the Philippines na nagsasaad ng sumusunod:
“Art. 74. The property relationship between husband and wife shall begoverned in the following order:
(1) By marriage settlements executed before the marriage;
(2) By the provisions of this Code; and
(3) By the local custom.”
Bagaman kadalasan sa ating lipunan ay hindi napag-uusapan ng magpapakasal ang kanilang magiging relasyon sa ari-arian o property relations, nais naming bigyang-diin na sila ay binibigyan ng ating batas ng pagkakataong mamili ng kanilang magiging property relations bago sila magpakasal.
Kung wala lamang marriage settlement sa pagitan ng mag-asawa o kung ito ay hindi balido, sila ay masasaklaw ng probisyon tungkol sa absolute community of property. Batay sa Article 75 ng ating Family Code:
“Art. 75. The future spouses may, in the marriage settlements, agree upon the regime of absolute community, conjugal partnership of gains, complete separation of property, or any other regime. In the absence of a marriage settlement, or when the regime agreed upon is void, the system of absolute community of property as established in this Code shall govern.”
Kung sakaling mapagdedesisyunan ng iyong kapatid at ng kanyang mapapangasawa na sila ay magkaroon ng kasunduan kaugnay sa kanilang magiging relasyon sa ari-arian, kinakailangang ito ay nilalaman sa kasulatan na kapwa nila pinirmahan at ginawa nila bago sila ikasal. Malinaw na nakasaad sa naturang batas ang sumusunod:
“Art. 77. The marriage settlements and any modification thereof shall be in writing, signed by the parties and executed before the celebration of the marriage. They shall not prejudice third persons unless they are registered in the local civil registry where the marriage contract is recorded as well as in the proper registries of properties.”
2
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments