Pareho naman daw silang tumutulong… JULIUS, UMAMING PINALITAN SI RAFFY SA TV5
ni Janiz Navida @Showbiz Special | February 03, 2022

Pormal nang winelkam at ipinakilala kahapon ng TV5 ang bago nilang Kapatid, walang iba kundi ang batikan at respetadong dating Kapamilya news anchor na si Julius Babao a.k.a. "Papu Julius".
Simula sa Lunes (Pebrero 7), makakasama na si Julius sa daily broadcast ng Frontline Pilipinas tuwing 5:30 PM, live sa TV5 at via livestream naman sa mga Facebook at YouTube pages ng News5.
Kasama ang kanyang co-anchor na si Cheryl Cosim, sabay nilang ibabahagi ang mga pinakamahahalagang isyu pagdating sa pulitika, ekonomiya, public welfare at sa krisis na hatid ng COVID-19.
Nang matanong sa Zoom mediacon kahapon, inamin naman ni Papu Julius na siya ang papalit kay Raffy Tulfo sa Frontline Pilipinas dahil pansamantala ngang nagpahinga sa kanyang mga shows si Idol Raffy na tatakbong senador.
Paglilinaw ng mister ni Ms. Christine Bersola-Babao, nagkataon lang daw siguro na kailangang umalis muna ni Raffy sa FP pero hindi naman intensiyong palitan niya ito kaya siya kinuha ng TV5.
Isa pa, bilib daw si Papu Julius sa advocacy ni Raffy na maraming natutulungan at pareho naman daw sila ng intensiyon na makatulong sa mga nangangailangan.
Kahit ang News5 Chief na si Ms. Luchi Cruz-Valdes (CLV) ay nagsabing matagal na talaga nilang kinukuha si Julius, hindi lang para ipalit kay Raffy.
Magkaibang personality din daw ang dalawa at may kani-kanyang katangian kaya unfair namang ipagkumpara ang mga ito.
Dagdag pa ni Ms. CLV, bakit nga naman hindi nila kukunin si Papu Julius, pagdating sa kredibilidad, integridad at karanasan, kilalang-kilala na ito at wala nang kailangang patunayan, kaya alam nilang magiging asset ito ng Kapatid Network.
Naniniwala naman kami sa sinabi ni Ms. Luchi na pagdating sa pagiging malinis na imahe at pangalan, talagang walang kuwestiyon kay Papu Julius dahil never siyang na-involve sa isyu ng korupsiyon o red tape sa media industry.
Kuwento nga ni Papu Julius, nu'ng nagsisimula pa lang siya sa pagiging reporter at nasa GMA-7 pa siya, pinag-coverage siya ng hearing at pagkatapos ng event ay may nag-abot sa kanya ng sobre na pagbukas niya ay ang daming lamang pera. Nagulat daw siya at hindi tinanggap at sa halip ay ibinalik sa nagbigay ang naturang pera.
Katwiran niya, kapag tumanggap na siya ng pera, maaari nang may masabi sa kanya at masisira na ang kanyang iningatang pangalan sa loob ng mahigit 30 yrs. sa pamamahayag.
Oh, ha? Sana all!!!





Comments