top of page

Parang hinimas-himas muna ni ICI Comm. Singson ang batok ni PBBM, saka binatukan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 7, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA PAG-RESIGN NI ICI COMM. SINGSON, PARANG HINIMAS-HIMAS MUNA NIYA ANG BATOK NI PBBM, AT SAKA BINATUKAN -- Matapos mag-resign, sinabi ni outgoing Independent Commission for Infrastructure (ICI) Comm. Rogelio Singson na naniniwala raw siyang hindi sangkot sa flood control scandal si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) dahil ang Presidente raw ang nagbulgar ng anomalya at ito rin ang nagtatag ng komisyon para imbestigahan ang mga sangkot sa flood control projects scam. Ang problema lang daw kaya siya nag-resign ay dahil bukod sa wala agad ibinabang pondo, wala pang "pangil" ang ICI.


Kumbaga parang hinihimas-himas (pinuri) muna ni Comm. Singson ang batok ni PBBM, at saka binatukan (hindi raw kasi pinondohan agad ni PBBM ang ICI, at kulang pa power ng komisyon), boom!


xxx


ANO NAMAN KAYA ANG GAGAWING ‘PALUSOT’ NG COMELEC PARA IABSUWELTO SI SEN. MARCOLETA SA KINASANGKUTAN NITONG SOCE MISDECLARATION? -- Nagpadala na rin ang Comelec ng show cause order kay Sen. Rodante Marcoleta kaugnay sa misdeclaration nito sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) patungkol sa sinabi niya na may mga donors siya noong nakaraang 2025 election, pero hindi niya itinala ang mga pangalan sa kanyang SOCE.


Bago si Sen. Marcoleta ay mas naunang pinadalhan ng show cause order si Sen. Chiz Escudero dahil naman sa pagtanggap nito ng campaign fund sa kontraktor na si Lawrence Lubiano dahil ipinagbabawal sa Omnibus Election Code ang pagtanggap ng kandidato ng donasyon sa mga kontratista, pero matapos ang imbestigasyon ay inabsuwelto ng Comelec si Sen. Escudero dahil si Mr. Lubiano naman daw ang nakatalag sa SOCE na nagbigay ng perang pangkampanya sa senador, at hindi naman daw ang pag-aari nitong construction firm.


Kaya’t ang tanong: Ano naman kaya ang "palusot" ng Comelec sa publiko sa gagawin nilang pag-absuwelto kay Sen. Marcoleta? Abangan!


XXX


ASTIG NA MANONG CHAVIT NATIYOPE? HIRIT NIYA REPORMA LANG DAW SA GOV'T. ANG NAIS NIYA AT HINDI RAW SIYA PARTE NG DESTABILIZERS NI PBBM -- Isa si former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa lantarang nananawagan kay Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mag-resign na sa puwesto, at may panawagan din umano siya sa militar na alisin na ang suporta sa Presidente, at dahil diyan ay isa si Manong Chavit sa binabatikos ng mga Marcos loyalists vloggers na kabilang daw ito sa grupong nasa likod ng destabilization plot para patalsikin ang Pangulo sa puwesto.


Ito na ang siste, nang may magsampa sa Ombudsman ng mga kasong graft laban kay Manong Chavit ay waring ang astig na dating gobernador ay natiyope, iba na ang kanyang tono, reporma lang daw sa gobyerno ang panawagan niya, at hindi raw siya destabilizers, boom!


XXX


FAKE NEWS PALA ANG IPINAKALAT SA SOCIAL MEDIA NG MGA DDS VLOGGER NA INALISAN NI PBBM NG MGA SECURITY SI VP SARA, LUMITAW SA COA AUDIT REPORT NA SANGKATUTAK PA RIN ANG BODYGUARDS NG BISE PRESIDENTE -- Lumabas sa 2024 audit report ng Commission on Audit (COA) na 335 security personnels ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ang patuloy na tumatanggap ng suweldo mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).


Kung ganu’n, fake news pala ang ipinakalat sa social media ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers na pinatanggalan ni PBBM ng mga security personnel si VP Sara, dahil lumitaw sa audit report ng COA na sangkatutak pa rin ang mga bodyguards ng bise presidente, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page