Ibinuking ni FDCP Chair Joey Reyes, nag-start kay Tirso… SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | July 9, 2026

Photo: FB / Robin Padilla
Ibinulgar ni Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Joey Javier Reyes ang malaking budget na naipasok ni Sen. Robin Padilla para sa film heritage.
Aniya, may ambag na P150 million budget para sa Philippine Film Heritage Building.
Inihayag niya na ang pondo ay inaasahang makatutulong upang matapos ang proyekto, ngunit kalaunan ay natuklasan niya na ang gusali ay kalahati pa lamang ang natatapos.
Aniya, kailangan pa ng karagdagang P100 milyon para makumpleto ang pasilidad matapos siyang maupo sa pamumuno ng FDCP.
Pinasalamatan ni Reyes si First Lady Liza Araneta-Marcos at ang secretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Vince Dizon sa pagtulong upang matiyak ang pagkumpleto ng proyekto.
Kinumpirma rin ni Reyes na ang nakuhang P150M ng senador ay mula sa gobyerno para sa pagsasaayos ng Philippine Film Heritage Building sa Intramuros, Maynila.
Ibinahagi ni Reyes ang kuwento nang mag-guest sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kasama ang kapwa-direktor na si Joel Lamangan, kung saan tinalakay nila ang pagpapaunlad ng pinakahihintay na pasilidad para sa pelikula.
Kuwento niya, “Dumaan kami sa kalahating butas ng karayom. Kasi originally, nu’ng in-estimate ‘yan ng kontratista ni then Chairman Tirso Cruz, ang ibinigay na presyo, P150 million to build that building.
“Tapos binigyan kami ng pera, ng insertion ni Sen. Robin Padilla na P150 million, tapos sabi sa amin, ‘O, tapos na ang building.’”
Nang opisyal na maupo si Reyes bilang chairperson ng FDCP, nagulat siya nang matuklasan na malayo pa rin sa pagiging kumpleto ang proyekto.
Paliwanag pa niya, “Sabi sa amin, tapos na ang building. ‘Di na si Tirso ang chairman, ako na. Pagdating ko, kalahati pa lang (ang nagagawa). Sabi ko, ‘Bakit ganito?’ Sabi nila, ‘‘Yung P150M, Phase 1 pa lang ‘yun, kailangan pa ng another P100M.’
“Sabi ko, ‘Diyos ko, saan ako kukuha ng P100M? Kahit lumuhod ako sa lahat ng senador at congressman, saan ako kukuha ng P100M?’
“Nabanggit ko ang problema at tinanong kung sino (ang contractor), at na-realize ko kasi ang kontratista n’yan, ‘yung tinalo ni Vico (Sotto) sa Pasig, si Discaya (Curlee at Sarah).
“So, du’n medyo pumilantik ang tenga ng First Lady. Anyway, nu’ng pumasok si Vince Dizon (DPWH secretary), ini-require ng First Lady kay Vince na tapusin ‘tong building. Ngayon, tapos na, tapos na, tapos na.”
Layunin ng Philippine Film Heritage Building na maging pangunahing repositoryo ng mga pelikulang Pilipino sa bansa. Dito ilalagak ang mga film collections, memorabilia, at preservation facilities, habang magsisilbi rin itong bagong headquarters ng FDCP, Cinematheque Centre Manila, at Philippine Film Archive.
‘Di lang sa mga staff… RYAN, TUMULONG DIN SA MGA BIKTIMA NG LINDOL
Bukod sa pamimigay ng kanyang ipon sa PA (personal assistant) at driver niya, umabot din ang pagtulong ni Ryan Bang sa mga estudyante ng Mahayahay Elementary School sa Davao na naapektuhan ng lindol noong Hunyo.
Aniya, “Nadurog talaga ‘yung puso ko sa sobrang awa sa mga bata. ‘Di naman malaki pero hangga’t kaya ko, ginawa ko ay konting tulong para sa kapwa Pilipino.”
Maraming naantig na manonood sa taos-pusong pagtulong ni Ryan at pinuno ang comment section ng kanyang vlog ng mga mensaheng pumupuri sa kanyang pagkabukas-palad at pagmamahal sa Pilipinas kahit ipinanganak siya sa South Korea.
Sey ng mga netizens…
“Ryan, mahal ka namin. ‘Wag kang magbago kahit kailan. Isa kang biyaya sa lahat ng Pilipino.”
“Happy birthday, pambansang Koreanong pusong Pinoy. Napaka-generous mo, wala kang katulad. Sana’y umabot ka ng 100 taon para marami ka pang matulungan.”
“I am smiling the whole time while watching this vlog. Truly, Ryan has a very pure and kind heart. Super-ramdam sa aura ang kabutihan ni Ryan.”
Bago magtapos ang kanyang vlog, nangako si Ryan na hindi ito ang huling pagkakataon na magbibigay siya ng tulong. Ibinahagi niya na plano niyang magsimulang mag-ipon muli upang patuloy niyang matulungan ang mga Pilipino, lalo na ang mga bata.
“Mag-iipon po ako ulit para sa tutulungang mga kapwa-Pilipino. Nadudurog kasi ‘yung puso ko. S’yempre, ‘yung future ng bansa natin ay nasa mga kabataan.
“Thank you kay Lord na ginagamit ako para magpasaya at makatulong sa mga Pilipino. Thank you so much sa pagmamahal n’yo sa akin, madlang people, at sa mga sumusuporta sa akin kahit hindi malinaw ang pananalita ko,” ang taos-pusong pasasalamat ni Ryan Bang.
IPINAGDIWANG ng ina ni Sarah Lahbati na si Esther Lahbati ang kanyang kaarawan kasama ang pamilya, at si Sarah ang nagbigay ng birthday treat.
Ibinahagi ni Esther sa Instagram (IG) ang mga larawan ng kanilang family celebration sa isang restaurant.
Sa caption, nagpasalamat si Esther, “#3rd Birthday celebrations. Thank you, Sarah, for the birthday treat.”
Ipinakita ng mga larawan ang isang simple ngunit masayang salu-salo at mga group photo ng pamilya.
Ipinunto rin ng ulat na nananatiling malapit ang relasyon nina Sarah at ng kanyang ina, at madalas silang magbahagi ng family moments sa social media.
Well, lagi pa ring nababanggit sa mga artikulo ang paghihiwalay nila ni Richard Gutierrez ngunit wala itong kaugnayan sa mismong birthday celebration.





Comments