Parami nang parami ang pamilyang Pinoy na nakakaranas ng gutom
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 7, 2025

DAPAT KASUHAN AT IKULONG ANG MGA KUMALBO SA BUNDOK AT MGA NASA LIKOD NG FLOOD CONTROL SCAM KAYA NAKARANAS NG DELUBYONG BAHA ANG CEBU -- Tatlo ang sinasabing dahilan kaya nakaranas ng delubyong baha dulot ng Bagyong Tino ang Cebu, at ito ay ang pagmimina ng dolomite at pagkalbo ng mga mining companies sa kabundukan ng lalawigang ito, ang pagtatayo ng 19 storey condominium na “The Rise at Monterrazas,” na para maitayo ang malawak na condo na ito ay kinalbo umano ang may higit na 200 ektarya kabundukan sa probinsyang ito at ang ghost, substandard at unfinished flood control projects.
Galit sina Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at Cebu Gov. Pamela Baricuatro sa naranasang delubyo ng mga taga-Cebu, kaya’t sana ang galit nilang ito ay may managot, dapat magsanib-puwersa ang national government at local government para sampahan ng kaso at maipakulong ang lahat ng mga abusadong mining companies, management ng “The Rise at Monterrazas” at mga politician, kontraktor at Dept. of Public Works and Highways (DPWH) na nagsabwatan sa ghost, substandard at unfinished flood control projects sa lalawigang ito, period!
XXX
DAPAT MAGLABAS NA AGAD NG WARRANT OF ARREST LABAN KAY ZALDY CO PARA BITBITIN NA NG INTERPOL PABALIK SA ‘PINAS -- Sabi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni former Congressman Zaldy Co na may mga natatanggap daw na death threat ang kanyang kliyente kaya ayaw na raw nitong umuwi sa Pilipinas.
Dahil ayaw na ni Zaldy Co na bumalik sa Pilipinas, ang dapat gawin ng Sandiganbayan kapag naisampa na sa kanila ng Ombudsman ang mga kasong plunder at graft sa mga sangkot sa flood control scam ay maglabas na agad sila ng warrant of arrest.
‘Ika nga, kapag may warrant of arrest na ay may dahilan na ang Interpol na dakpin si Zaldy Co kung saan man siyang bansa nagtatago para bitbitin pabalik ng ‘Pinas, boom!
XXX
KAPAG NAKALAYA SI JANET NAPOLES SA MGA KASONG PLUNDER, TIYAK MAS LALONG DADAMI ANG MGA ‘BUWAYANG’ MANG-I-SCAM SA KABAN NG BAYAN -- Nitong nakalipas na Nov. 5, 2025 ay inabsuwelto na naman ng Sandiganbayan si pork barrel queen Janet Napoles sa isa pa nitong kasong plunder.
Kaya kapag ang lahat ng kasong plunder ni Napoles ay naabsuwelto siya at tuluyan na siyang nakalaya sa kulungan, tulad ng ilang senador at kongresistang nakasuhan din ng plunder pero naabsuwelto rin at nakalaya, ay asahan nang mas dadami ang mga "buwayang" mag-i-scam sa kaban ng bayan sa katuwiran na ang mga plunderer sa ‘Pinas, inaabsuwelto at pinalalaya ng korte, buset!
XXX
PARAMI NANG PARAMI ANG MGA PAMILYANG PINOY NA NAKAKARANAS NG GUTOM SA ILALIM NG MARCOS ADMIN -- Noong June 2025 base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) ay 16.1% pamilyang Pinoy ang nagsabi noon na nakakaranas sila ng gutom, pero sa latest survey ng SWS na isinapubliko ngayong November 2022 ay pumalo na sa 22% pamilyang Pinoy ang nagsabi ngayon na sila ay nakakaranas ng gutom sa ‘Pinas.
Masamang pangitain iyan kasi ang magkasunod na survey na iyan ang magpapatunay na hindi gumiginhawa ang pamumuhay ng mamamayan, at sa halip ay parami nang parami ang nagugutom sa ilalim ng Marcos administration, tsk!








Comments