ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 26, 2024
Dear Chief Acosta,
Isa ako sa mga staff ng isang producer ng concerts ng mga international artist dito sa Pilipinas. Maaari ko bang hingin sa aking employer na concert tickets na lang ang ipasuweldo niya sa akin na katumbas ng aking buwanang sahod? — Mara
Dear Mara,
Nakasaad sa Article 102 ng Labor Code of the Philippines ang paraan ng pagbabayad ng suweldo ng empleyado, kung saan sinasabing:
“ART. 102. Forms of Payment. – No employer shall pay the wages of an employee by means of promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits, or any object other than legal tender, even when expressly requested by the employee.”
Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang isang employer ay hindi pinapayagang magbayad ng sahod ng isang empleyado sa pamamagitan ng mga bagay tulad ng promissory notes, vouchers, coupons, tokens, tickets, chits, o anumang bagay maliban sa legal tender, kahit na hayagang hiniling ito ng empleyado.
Para sa iyong kaalaman, ang legal tender, sa madaling salita, ay ang mga papel na pera at barya na iniisyu ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na karaniwang pinapaikot sa mga pinansyal na transaksyon tulad ng pambili ng bagay at pagpapasuweldo.
Kahit pa sa iyo mismo manggaling ang paghiling na concert tickets na lamang ang ibayad sa iyo ng iyong employer bilang sahod ay hindi pa rin ito pinapahintulutan ng batas sapagkat tanging legal tender lang ang makokonsiderang tamang paraan ng pagbabayad ng sahod.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments