Para makasabay sa new normal… Mga plano ni VP Leni sa MSMES, inilatag sa “KANDIDATALKS”
- BULGAR
- Nov 25, 2021
- 4 min read
ni Fely Ng - @Bulgarific | November 25, 2021

Hello, Bulgarians! Access sa credit, pagsama sa public procurement programs at pagtulong sa MSMEs pagdating sa imprastruktura para makasabay sa new normal.
Ito ang ilan lamang sa mga planong ibinahagi ni Vice-President Leni Robredo nang humarap ito sa “Kandidatalks” show ng Go Negoshow ng Go Negosyo kapag siya ang naging susunod na pangulo ng Pilipinas.
Ang forum kasama ang Bise-Presidente ay nakaakit ng mahigit 366, 000 viewers nang ipalabas ito nang live sa Facebook at ibinahagi ng siyam na pambansang media outlets noong Nobyembre 22. Isang proyekto ng Negosyo bilang espesyal na serye sa Go Negoshow, nakatuon ang “Kandidatalks” kung ano ang naghihintay sa small, medium at micro-entrepreneurs (MSMEs) sa darating na 2022 national elections.
Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, na sinamahan ang mga host na sina Josephine Romero, Betong Sumaya at Maey Bautista, na ang pagiging tanging babae ni Robredo sa karera sa pagka-pangulo sa 2022 ay napakahalaga para sa entrepreneurs, lalo pa’t babae ang bumubuo ng 90 porsiyento ng maliliit na entrepreneurs sa bansa. “She has the unique chance of helping and inspiring all the nanays who have turned to entrepreneurship to improve their lives,” ani Concepcion.
Naalala ni Concepcion na si Robredo ay matagal nang masugid na tagasuporta ng MSMEs at idinagdag pa na nauunawaan niya ang buong balangkas at ang kanyang mga proyekto ay may parehong layunin na matulungan sila. Si Robredo ay bahagi rin ng ilang proyekto ng Go Negosyo, tulad ng Filipina Entrepreneurship Summit, 55 Inspiring Stories of Women Entrepreneurs, at ang ASEAN 2017 Prosperity for All Summit.
“Our office has benefited from Go Negosyo’s Mentor Me programs,” wika ni Robredo, na partikular na binanggit ang mga farmer entrepreneurs ng Camarines Sur. “We have been a partner of Go Negosyo’s programs from the time I became vice-president,” dagdag pa nito kasabay ng pagbanggit sa Angat Buhay summit noong 2016.
Sa “Kandidatalks”, ipinabatid ng Bise-Presidente ang kanyang mga plano sakaling manalo bilang pangulo. Kabilang na ang paglalaan ng Php100 bilyong stimulus package para sa MSMEs bilang bahagi ng COVID recovery plan ng bansa upang hindi na kailangang magtanggal ng mga empleyado ang maliliit na negosyo. Kabilang sa recovery plan ay skills training, livelihood grants at online jobs-matching, na kasalukuyang ginagawa ng kanyang tanggapan.
Sinabi ng Bise-Presidente na kailangan ng tulong ng MSMEs para maiakma ang kanilang negosyo sa imprastruktura para maging handa sila sa new normal. Kabilang ang paglikha ng green spaces at pagpapaganda ng bentilasyon, at gawin silang handa na i-digitize ang kanilang mga negosyo, na mangangailangan ng espesyal na loan. “The mindset in planning should be geared toward creating more green spaces, more open spaces, and well-ventilated infrastructures,” wika niya.
Plano rin niyang suportahan ang MSMEs sa tulong ng pagpapalakas ng access sa pautang sa pamamagitan ng direct lending sa mga bangko na pag-aari ng gobyerno at pagbibigay ng insentibo sa buwis sa social enterprises. Plano rin niyang isama ang MSMEs sa pagbili ng pampublikong sektor. Kung maganda ang presyo at kalidad, sinabi niya na dapat bumili ang pamahalaan sa MSMEs.
“When I was a member of the 16th Congress, I filed the Sustainable Public Procurement Bill, which aimed to amend the procurement law,” wika niya. Ipinaliwanag ni Robredo na bilang nangungunang consumer sa bansa, hindi dapat tumingin sa presyo ang pamahalaan kundi dapat ikonsidera ang epekto ng mga pagbili nito sa lipunan, ekonomiya at kalikasan. Ayon sa kanya, hindi makasabay ang MSMEs sa malalaking bidders at kailangan may criteria, bukod sa presyo, pagdating sa pagbili ng pamahalaan.
Sinabi pa niya na kailangan ng maliliit na negosyo ang oportunidad para sa pagbabago, at dito papasok ang incubator programs na makatutulong at makahihikayat sa startups.
Ibinahagi rin ng Bise-Presidente sa “Kandidatalks” ang ilan sa mga proyekto ng kanyang tanggapan na nakatulong sa maliliit na entrepreneur na makayanan ang pandemya.
Nakatulong ang Angat Buhay program, na simulan ng Office of the Vice-President apat na taon ang nakalipas, para makatugon sila nang mabilis sa panahon ng pandemya. “It started with the PPEs,” wika ni Robredo. Kinuha ng kanyang tanggapan ang ilang komunidad ng mananahi para gumawa ng PPE na kanilang ipinamahagi sa mga ospital.
“We were able to hit two birds with one stone,” ani Robredo.
Ibinahagi rin niya na naging sunud-sunod na ang mga proyekto, na nagbigay sa kanila ng pagkakataong maglunsad ng iba pang proyekto, tulad ng pagtulong sa mga school-based eateries na maglagay ng online presence at pagbibigay kabuhayan sa public transport workers sa pamamagitan ng paghahatid ng mga produkto mula sa mga palengke sa mga komunidad.
Nakapagtanong din ang maliliit na entrepreneurs kay Robredo. Tinanong ni Merechel Mercado, na mayroong island-hopping business, ang Bise-Presidente kung bakit mahalagang tulungan ang maliliit na negosyo. Sinabi ng VP na sa mahigit 950,000 enterprises, 99.5 porsiyento ay MSMEs, at 88.77 porsiyento sa mga ito ay microenterprises. “Small enterprises play a big role in our economy,” wika pa niya, kasabay ng pagsasabing lumilikha ang mga ito ng 5.3 milyong trabaho.
“They are the backbone of the economy, but they are the ones who have a hard time,” sabi pa ni Robredo, na ipinaliwanag na madalas kulang ang kapital at iba pang pagkukunan ng MSMEs para makasabay sa mga krisis.
“What we realized during the pandemic is that there are many good people out there; they just need to know how to help,” dagdag pa ni Robredo, na iginiit na nakatutulong ang mga organisadong programa.
Ipinalabas nang live ang “Kandidatalks” sa Facebook page ng malalaking print at online media outlets at ilan sa mga nangungunang kompanya at organisasyon ng bansa.
Sunod na haharap sa “Kandidatalks” si Sen. Manny Pacquiao noong Nov. 24, Ka Leody de Guzman sa Nov. 26, dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa December 1, at Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa Dec. 20. Nakatakda ring humarap sina Sen. Christopher “Bong” Go, at Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa Kandidatalks, pati na ang mga kandidato bilang Bise-Presidente na sina dating Manila Mayor Lito Atienza sa Dec. 3, at Sen. Vicente Sotto sa Dec. 8.
Inaasahan ding dadalo sa show sina Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, Sen. Francis Pangilinan, at Dr. Willie Ong.
Ang “Kandidatalks” ay kaalinsabay ng ika-16 anibesaryo ng Go Negosyo ngayong Nobyembre.
Para makapanood ng “Kandidatalks”, i-like lang ang Go Negosyo page sa Facebook, at panoorin ang Facebook Live streaming ng “Kandidatalks” tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes alas-6:
00 ng gabi. Ilalagay din sa Go Negosyo Facebook page ang update para sa iba pang schedule.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments