Para iwas-aksidente, batas para sa road rage, ipasa na
- BULGAR

- 10 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 27, 2025

Ngayong tapos na ang Pasko, at papalapit na ang Bagong Taon, tila sumasabay sa pagtatapos ng taon ang init ng ulo ng ilang motorista sa lansangan.
Sa halip na busina lang ang marinig, suntok at sigawan ang nauuwi sa ilang engkuwentro sa daan. Dahil dito, nanawagan ang grupo ng mga may-ari ng sasakyan sa mga mambabatas na magpasa ng batas laban sa road rage.
Ayon sa isang lider sa industriya ng mga sasakyan, malaking tulong umano kung may malinaw at mabigat na parusa laban sa mga pasaway na drayber. Kapag alam ng isang motorista na may kahihinatnan ang pagiging mainitin ang ulo, tiyak na magdadalawang-isip ito bago magwala sa kalsada.
Hindi rin aniya sapat ang marunong ka lang magmaneho. Iminungkahi niyang isama ang psychological test sa mga requirement sa pagkuha ng lisensya, bukod sa written at actual driving exam. Dahil hindi lahat ng marunong humawak ng manibela ay handa ring humawak ng emosyon, lalo na sa gitna ng trapiko, init ng panahon, at stress sa araw-araw na buhay.
Ngayong buwan pa lamang ng Disyembre, ilang insidente na ng road rage ang naitala ng pulisya. May nag-away dahil sa singitan, may nagbunot ng baril dahil sa simpleng gitgitan, at may nauwi sa pisikal na pananakit. Hindi lang mga drayber ang nanganganib kundi pati inosenteng pasahero, pedestrian, at pamilyang naghahangad lang makauwi nang ligtas.
Hindi dapat gawing personal ang bawat pagkakamali sa daan. Ang kalsada ay hindi boxing ring at lalong hindi lugar para ilabas ang galit sa buhay. Kung walang disiplina at malinaw na batas, patuloy na magiging banta ang road rage sa kaligtasan ng lahat.
Ang panukalang batas laban sa road rage ay hindi kontra sa mga drayber. Ito ay para sa kanila at para sa bawat Pinoy na gumagamit ng kalsada.
Ang pagmamaneho ay pribilehiyo ng iilan. Kasama ng pribilehiyong ito ang responsibilidad na manatiling kalmado, maunawain, at makatao.
Sa panahon ngayon na puno na ng stress ang pang-araw-araw na buhay, huwag na sana nating idagdag pa ang panganib sa daan.
Sa isang matuwid na batas, at tamang pagsusuri sa pag-iisip, ay malaking tulong na para magkaroon ng isang disiplinadong motorista sa kalsada, isa itong malaking hakbang tungo sa mas ligtas at mas maayos na biyahe para sa lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com







Comments