top of page

Para iwas-abuso, body worn camera, tiyaking magagamit nang tama

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 22, 2026



Boses by Ryan Sison


Para sa kaligtasan ng lahat, hindi na dapat pagtalunan ang paggamit ng body-worn cameras (BWC) sa fire safety inspections. Sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Bureau of Fire Protection (BFP) na magsuot ng body cameras sa lahat ng inspeksyon, malinaw na ipinapakita ng pamahalaan na ang laban kontra-katiwalian ay hindi lamang sa salita kundi sa aktuwal na aksyon.


Ito ay direktang tumutugon sa matagal nang reklamo ng mga negosyante at mamamayan na ginagawang negosyo ang kaligtasan at oportunidad ang inspeksyon para sa pangingikil, sa halip na proteksyon ng buhay at ari-arian.


Sa ilalim ng bagong polisiya, kailangang i-record ang buong proseso: mula sa pagkuha ng body camera sa fire station, biyahe patungo sa establisimyento, aktuwal na inspeksyon, pagpapaliwanag ng findings, hanggang sa opisyal na turnover ng footage sa station custodian. Pagdating sa establisimyento, obligadong banggitin ng fire safety enforcer sa video ang kanyang pangalan, ranggo, lokasyon, petsa at oras, uri ng inspeksyon, at pangalan ng negosyo. Kailangang ipaalam din sa may-ari o kinatawan na ang buong proseso ay naka-video at may karapatan silang kumuha ng sariling rekording.


Mahalaga rin ang karapatan ng may-ari na humiling ng kopya ng inspection video sa loob ng pitong working days sa pamamagitan ng city o municipal fire marshal, bilang dagdag proteksyon laban sa alegasyon ng pangingikil o manipulasyon.


Lalong pinagtibay ng DILG ang pagbabawal sa mga enforcer na magrekomenda, magbenta, o mag-endorso ng anumang brand ng fire safety equipment, alinsunod sa Fire Code of the Philippines at Ease of Doing Business law.


Sa mismong inspeksyon, dokumentado ng BWC ang fire exits, safety equipment, at iba pang kinakailangang pasilidad. Para sa mga hindi sumusunod, tungkulin ng inspector na ipaliwanag nang malinaw ang kakulangan, tamang aksyon, at posibleng parusa—lahat ay naka-record. Ang sinumang mabigong mag-rekord, magputol ng video, o mangialam sa footage ay mananagot sa kasong misconduct.


Matapos ang inspeksyon, ia-upload ang mga video sa secure system sa loob ng 24 oras, at mahigpit na ipinagbabawal sa mga inspector ang pag-edit o pagbura ng anumang rekording.


Hindi maikakaila na ang hakbang na ito ay kaugnay ng mga ibinunyag na alegasyon ng katiwalian, kabilang ang overpriced fire extinguishers at umano’y kickback sa pagbili ng fire trucks. Ngunit lampas sa intriga at personalidad, ang tunay na diwa ng polisiya ay para sa taumbayan—para sa kaligtasan, katarungan, at tiwala.


Sa ganang akin, ang body-worn camera ay hindi lamang mata ng batas kundi salamin ng konsensya ng serbisyo-publiko. Kapag malinaw ang proseso, nababawasan ang pang-aabuso; kapag may dokumentasyon, may pananagutan. Ang tiwala ng mamamayan ay hindi hinihingi, kundi pinatutunayan.



Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page