Panukalang batas para sa Gadget-Free Schools, isinusulong
- BULGAR

- 13 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 21, 2026

Lumabas sa balita kamakailan na hinimok ng Department of Education (DepEd) sa Lungsod ng Tacloban ang mga guro na ipatupad ang mga regulasyon sa paggamit ng cellphone at iba pang electronic devices sa oras ng klase. Alinsunod ito sa DepEd Order No. 006 series of 2026, kung saan nakasaad na hindi maaaring gumamit ng cellphone at iba pang gadgets sa oras ng klase ang mga mag-aaral, mga guro, at mga kawani.
Ikinagagalak natin ang hakbang na ito lalo na’t naaayon din ito sa inihain nating panukalang batas: ang Electronic Gadget-Free Schools Act (Senate Bill No. 627). Sa ilalim ng naturang panukala, ipagbabawal ang paggamit ng cellphones at iba pang electronic gadgets sa oras ng klase.
Maliban sa loob ng silid-aralan, ipagbabawal din ang paggamit ng mga naturang gadgets sa mga laboratoryo, gymnasium, canteen o cafeteria, school club rooms, lounge ng mga guro, at iba pang mga opisina sa paaralan.
Ngunit may mga pagkakataong pahihintulutan pa rin natin ang paggamit ng mga cellphone at electronic devices. Sa ilalim ng polisiya ng DepEd, maaaring gumamit ng mga gadget sa pag-access ng mga educational platforms, mga digital resources, at sa pakikilahok sa mga online activities. Nakasaad din sa polisiya ng DepEd na maaaring gumamit ng gadgets upang magamit sa komunikasyon sa oras ng sakuna, krisis pangkalusugan, at iba pang sitwasyong may kinalaman sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani.
Sa ilalim naman ng ating panukalang batas, nakasaad din ang mga sitwasyon kung saan pahihintulutan natin ang paggamit ng cellphones at iba pang gadgets. Halimbawa dito ay ang paggamit ng mga naturang gadgets para sa mga aralin kagaya ng mga classroom-based presentations.
Pahihintulutan din natin ang mga gadgets kung kinakailangan ito sa sitwasyong pang-kalusugan ng ating mga mag-aaral, kabilang ang mga learners with disabilities o may kapansanan. Maaari ring payagan ang paggamit ng mga cellphones at electronic devices sa oras ng sakuna, sa mga field trip, at sa mga gawain sa labas ng paaralan.
Isinusulong natin ang panukalang batas na ito para sa kapakanan ng ating mga mag-aaral, lalo na’t may nakikitang pinsala ang mga gadgets na ito sa ating mga mag-aaral. Batay sa pagsusuri ng resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment, lumalabas na walo sa 10 mag-aaral na 15 taong gulang ang nag-ulat na nagambala sila sa paggamit ng smartphone sa oras ng klase. Parehong bilang ng mga mag-aaral ang nagsabing nagambala sila sa paggamit ng ibang mag-aaral ng smartphone sa oras ng klase.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na ang pagkagambalang dulot ng mga smartphone ay nauugnay sa 9.3 puntos na pagbaba sa marka ng mga mag-aaral sa mathematics, 12.2 points sa science, at 15.04 points sa reading.
Kaya naman upang matugunan ang mga hamong ito, patuloy nating isusulong ang responsableng paggamit ng mga cellphone at iba pang electronic gadget sa mga paaralan. Patuloy din nating isinusulong ang pagbabawal sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang sa paggamit ng social media.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments