Panontra sa mpox, bakuna sa smallpox
- BULGAR
- Aug 24, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 24, 2024

Para makatulong na maproteksyunan ang mga kababayan laban sa mpox virus, gagamitin umano ng gobyerno ang smallpox vaccines.
Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Assistant Secretary at spokesperson Albert Domingo, kung saan nagpaabot na ang kagawaran ng intensyon sa World Health Organization (WHO) na mabigyan ang Pilipinas ng access sa smallpox vaccine upang magamit na proteksyon kontra sa mpox.
Base sa scientific findings, ayon kay Domingo, ang smallpox vaccines ay nakapagbibigay ng cross-protection kontra sa mpox. Subalit, wala pa aniyang supply ng nasabing bakuna sa ating bansa dahil bulto at inuunang mabigyan ng smallpox vaccines ang African countries na mayroong pagtaas sa ngayon ng mpox cases.
Pero aniya, kapag nag-shift na ang global strategy at nag-start na magpamahagi ng bakuna, nakahanda nang tanggapin ito ng ating bansa.
Sinabi rin ni Domingo na ang ‘Pinas ay mayroong cold chain at supply chain facilities na ginagamit sa panahon ng COVID-19 pandemic na maaaring paglagyan ng mga smallpox vaccines.
Kaugnay nito, ayon sa DOH, mas mild na “MPXV Clade II” ang virus na tumama sa pang-10 kaso ng mpox na nai-report sa bansa.
Base ito sa isinagawang sequencing ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa monkeypox virus (MPXV) deoxyribonucleic acid (DNA) sample na nakuha mula sa pasyente.
Paliwanag pa ng DOH, ang mpox ay dulot ng monkeypox virus (MPXV) species ng Orthopoxvirus genus, na unang nadiskubre sa mga laboratory primates sa Denmark noong 1958 at kalaunan ay naobserbahan sa mga indibidwal noong 1970. Pinalitan umano ang pangalan ng sakit subalit hindi ang virus nito.
Sinabi naman ni DOH Secretary Ted Herbosa na ang mga karaniwang sintomas ng mpox ay skin rash o mga mucosal lesions, na maaaring tumagal ng dalawa hanggang apat na linggo. Ang mga rashes ay may kasamang lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, back pain, low energy, at swollen lymph nodes.
Gayundin, kahit sino ay maaaring magkaroon ng mpox, at ang virus ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng close at intimate contact sa isang taong infected, sa pamamagitan ng mga contaminated materials gaya ng mga ginamit na damit o utensils, o kaya ng infected na hayop.
Nasa pag-iingat pa rin ng bawat isa sa atin ang ikabubuti ng ating kalusugan, bukod sa mga doktor at health expert. Hindi rin kasi biro ang tamaan ng ganitong klase ng sakit kahit pa sabihing hindi ito nakamamatay.
Kumbaga, anumang oras ay puwede mahawa ng mpox virus at maaaring maipasa pa ito sa ating pamilya.
Sana lang ay makakuha na agad ang kinauukulan ng smallpox vaccines na makakatulong bilang proteksyon laban sa mpox para hindi na lumala o kumalat pa ang nasabing sakit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments