Panibagong krimen ang paggamit ng nahuling akyat-bahay ng ibang pangalan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 13, 2021
Dear Chief Acosta,
Mayroong nahuling nag-akyat-bahay sa katabi naming apartment unit noong nakaraang araw. Nabanggit ng aming kapitbahay na mali diumano ang pangalan na ibinigay ng taong ito. Napag-alaman lamang ng mga humuli ang tunay niyang pangalan nang mayroong nagpuntang nagrereklamo rin sa taong ito. Maaari ba siyang makasuhan din sa paggamit ng ibang pangalan, maliban sa ginawa niyang pag-akyat-bahay? – Debbie
Dear Debbie,
Ang pangalan ang isa sa mga pangunahing pagkakakilanlan ng bawat isa sa atin. Kung kaya nga sa ating tala ng kapanganakan ay nakasaad ang pangalang pinili ng ating mga magulang para siyang gagamitin maliban na lamang kung mapapalitan ito alinsunod sa mga legal na alituntuning nakasaad sa mga batas.
Sa pangkalahatan ay hindi ipinagbabawal na gumamit ng ibang pangalan na magsisilbing nickname o alyas, lalo na kung napakahaba o mahirap bigkasin ang pangalang ibinigay sa taong ito.
Subalit, nais naming bigyang-diin na ang paggamit ng ibang pangalan upang takasan ang legal na obligasyon ay kinokonsidera bilang krimen. Ito ay alinsunod sa Article 178 ng ating Revised Penal Code (RPC), na naamyendahan ng Republic Act No. 10951, o mas kilala bilang
“An Act Adjusting the Amount or the Value of Property and Damage on Which a Penalty is Based and the Fines Imposed Under the Revised Penal Code, Amending for the Purpose Act No. 3815, Otherwise Known as “The Revised Penal Code”, as Amended”. Batay sa Section 29 ng R. A. No. 10951:
“Section 29. Article 178 of the same Act is hereby amended to read as follows:
“Art. 178. Using fictitious name and concealing true name.— The penalty of arresto mayor and a fine not to exceed one hundred thousand pesos (₱100,000) shall be imposed upon any person who shall publicly use a fictitious name for the purpose of concealing a crime, evading the execution of a judgment or causing damage.
“Any person who conceals his true name and other personal circumstances shall be punished by arresto menor or a fine not to exceed forty thousand pesos (₱40,000).” (Binigyang-diin)
Sa sitwasyong inyong nabanggit ay maaaring maireklamo ang nag-akyat bahay sa inyong lugar dahil sa paggamit niya ng ibang pangalan. Mahalaga lamang na mapatunayan sa hukuman na ang layunin niya sa kanyang ginawa ay upang lituhin at/o takasan ang kriminal na responsilidad sa kanyang ginawa.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa ninyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments