top of page
Search
BULGAR

Pangmatagalang programa para sa kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino, kailangan!

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 4, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Malaking bahagi ng ating bansa ang nakaranas ng malakas na pagbuhos ng ulan at mga pagbaha dulot ng pananalasa ng Bagyong Enteng at hanging habagat. 

Bukod sa Metro Manila, apektado rin ang mga karatig na lalawigan at maging ang ilang bahagi ng Visayas at Bicol region. 


Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, nananawagan ako sa mga kababayan na mag-ingat sa ganitong panahon ng kalamidad at gawing prayoridad ang ating kalusugan. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino. 


Hangga’t maaari ay iwasan ang lumusong sa baha para makaiwas sa mga sakit partikular ang leptospirosis. Sikapin natin na walang naiimbak na tubig sa paligid na maaaring pamugaran ng lamok na maging sanhi naman ng dengue at iba pang sakit. 


Ipinapaalala rin natin sa mga kababayan, lalo na ang mga nangangailangan ng tulong medikal sa panahon ng kalamidad, na magtungo sa alinmang Malasakit Center na malapit sa inyo para sa tulong pampagamot. Mayroon ding Super Health Centers kung saan puwedeng magpakonsulta kung may karamdaman. Nangunguna tayo sa pagsulong ng mga programang ito para mapangalagaan ang kalusugan at mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa bawat isa.


Habang nananalasa pa lang ang bagyo, nagsimula nang makipag-ugnayan ang tanggapan ng inyong Senator Kuya Bong Go sa mga lokal na pamahalaan para matukoy ang mga komunidad na nangangailangan ng agarang tulong para maikasa na ang relief operations ng ating Malasakit team.


Sa kabila ng mga sakuna at iba pang suliranin, hangad natin na hindi lamang tayo magsilbing tagapaghatid ng tulong sa mga nasalanta, dapat din tayong magbigay ng pangmatagalang solusyon sa mga problema tulad ng pagbaha. Proteksyunan natin ang buhay ng bawat Pilipino. 


Kaya patuloy ang ating panawagan sa mga ahensya ng gobyerno na maging proactive at gawing prayoridad ang pagkakaroon ng flood control master plan. Umapela na tayo sa DPWH noong nakaraang taon na ayusin ang implementasyon ng flood control projects at siguraduhing walang nasasayang na pondo, pati na rin kung ano talaga ang kanilang flood control master plan at paano ba ang prioritization nito sa iba’t ibang lokasyon sa bansa. Paulit-ulit na ang suliranin na ito na kailangan ng agarang solusyon. 

Ang tanong, saan na napunta ang ilang bilyong pisong nakalaan sa flood control? 


Malaking abala ang pagbaha para sa mga kababayan at malaki rin ang pinsalang dulot nito sa mga ari-arian at kabuhayan nila. Higit sa lahat, inilalagay nito sa alanganin ang buhay ng mga tao, kaya naman nararapat lamang na masolusyunan ito sa lalong madaling panahon. 


Samantala, anuman ang lagay ng panahon, patuloy lang tayo sa pagseserbisyo sa mga kapwa natin Pilipino. Dumalo tayo sa ginanap na Philippine Councilors League-Masbate Chapter Congress noong August 31 na idinaos sa Maynila bilang guest speaker sa paanyaya ni Councilor Rani Sia, ang kanilang provincial chairperson. Dumalaw din tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay National Congress Cluster 3 na isinagawa sa Pasay City upang paigtingin ang ating pakikipagtulungan sa mga barangay. 


Sa kasagsagan ng bagyo, binisita naman ng aking opisina noong September 2 ang Biñan City, Laguna upang mamahagi ng tulong sa 2,000 senior citizens. Nabigyan sila ng pinansyal na suporta na ating isinulong kasama ang lokal na pamahalaan sa pamumuno nina Mayor Arman Dimaguila, Vice Mayor Gel Alonte at sa tulong din nina Vice Gov. Karen Agapay, Cong. Len Alonte at iba pang opisyal.


Nabigyan din ng agarang tulong ang 76 residente na apektado ng Bagyong Enteng sa Mabitac, Laguna sa pakikipagtulungan nina Mabitac Mayor Al Reyes at Paete Mayor Bokwet Cosico noong Lunes. Kahapon naman ay nagpadala ang aking tanggapan ng 500 food packs sa mga binagyo sa Tanay, Rizal katuwang si Gov. Nina Ynares; 250 sa Morong, Rizal kasama si Mayor Sydney Soriano; at 500 sa Antipolo City kaakibat si Mayor Jun Ynares. 


Ibinabahagi ko rin na noong September 1 ay dumalo ang aking tanggapan sa inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Villaverde, Nueva Vizcaya. 

Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng mga nawalan ng hanapbuhay na nabigyan ng pansamantalang trabaho na ating isinulong. Kabilang dito ang 368 sa Hermosa, Bataan kaagapay si VM Patrick Rellosa; 155 sa Hinatuan, Surigao del Sur katuwang si Mayor Shem Garay at mga barangay captain na sina Melchor Gingoyon, Renald Fundador, Andres Dadat at Merlyn Albial; at 127 sa Balete, Aklan kaagapay si VG Reynaldo Quimpo. 


Sa Davao del Sur, natulungan ang 1,214 mula sa Digos City at mga bayan ng Bansalan, Matanao Magsaysay, Kiblawan, Malalag, Padada at Sulop, katuwang sina VG Ai-Ai Cagas-Fernandez, BM Shiela Cagas, BM Frank Tongos, BM Dyane Idulsa, BM Vic Cadungog, BM Bae Rivera, BM Rey Ayo, BM Mark Gallardo, BM Fely Latasa, BM Lanier Cadungog, BM Carmelo Delos Cientos, Bansalan Mayor Edwin Reyes, Kiblawan Mayor Joel Calma, Malalag Mayor Peter Paul Valentin, Padada Mayor Francisco Guerrero, Sulop Mayor Jimmy Sagarino, Matanao Mayor Vincent Fernandez at VM Irick Agbon, Digos City VM Johari Baña, Coun. Rey Abella; at Hagonoy VM Michael Balindoa.


Nagbigay-suporta rin tayo sa idinaos na Kababaihan ng Kalawaan (Kabaka) Gift Giving Project sa Pasig City kaagapay ang mga lokal na lider ng lugar. 


Bilang inyong Mr. Malasakit, prayoridad ko na maproteksyunan ang kalusugan, kapakanan at buhay ng bawat Pilipino. Sa harap ng maraming pagsubok, huwag tayong mawalan ng pag-asa, magtulungan lang tayo. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page