Pangha-harass at diskriminasyon sa mga pasahero, aksyunan
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | January 21, 2026

Walang puwang sa pampublikong transportasyon ang pang-aabuso. Sa kalsadang sinasandigan ng milyun-milyong Pilipino araw-araw, hindi maaaring ipagpalit ang kaligtasan at dignidad ng pasahero sa kaginhawaan ng sinumang drayber.
Tama lamang na idiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang puwang sa kalsada para sa pangha-harass at diskriminasyon laban sa mga pasahero. Sa gitna ng isyu ng isang transport network vehicle service (TNVS) driver na sinuspinde matapos maparatangan ng sexual harassment, malinaw ang mensahe: ang kapakanan ng komyuter ay hindi opsyonal.
Ayon sa LTFRB, bahagi ng kondisyon ng prangkisa ang paggalang at proteksyon sa pasahero. Kapag may pang-aabuso o paglabag, kikilos ang ahensya bilang tagapagtanggol ng mga inaaping pasahero. Ito ay naaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga Pilipinong komyuter.
Ang pasahero ang bumubuhay sa negosyo ng pampublikong transportasyon. Kung wala ang respeto, nawawala ang karapatan sa operasyon. Sa ilalim ng Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, malinaw na krimen ang harassment—sa lansangan, sa sasakyan, o sa online.
Mahahalaga rin ang pinaigting na sistema ng pagrereklamo. May 24/7 hotline na 1342, social media monitoring team, at pinadali ang proseso ng pagsasampa ng reklamo. Ipinapakita nito na hindi kailangang manahimik ang biktima. Kapag pinili ng pasahero na ituloy ang kaso, doon tunay na natututo ang mga lumalabag. May kaakibat itong parusa mula suspensyon hanggang posibleng pagbawi ng lisensya, upang maging malinaw na ang kalsada ay hindi kanlungan ng mga abusado.
Ang kaso ng TNVS driver ay paalala na may pananagutan ang mga kumpanya, hindi lamang ang indibidwal. Ang laban kontra-harassment sa transportasyon ay laban para sa tiwala. Tiwalang sumasakay ang taumbayan na sila’y ligtas, iginagalang, at pinakikinggan.
Ang LTFRB ay may papel bilang bantay at tagapagtanggol, ngunit ang tunay na pagbabago ay mangyayari lamang kapag bawat drayber at operator ay kumikilala na ang serbisyo-publiko ay para sa kapakanan ng lahat. Ang kalsada ay salamin ng lipunan; kung may disiplina at malasakit dito, mas maayos ang daloy at mas maginhawa ang paglalakbay ng bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments