Pangarap ni Kris para sa anak, matutupad na… BIMBY, GAGAWIN NA RAW REGULAR HOST NG EB!
- BULGAR

- Jun 20
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 20, 2026

Photo: Eat Bulaga
Iaanunsyo raw ng Eat… Bulaga! (EB) sa susunod na linggo na magiging regular co-host na si Bimby Aquino, ang bunsong anak ni Kris Aquino.
Ito ang nabanggit sa amin ng handler ni Bimb na si Jack Salvador nang tawagan namin siya kahapon, ngunit hindi kami magkarinigan dahil nasa labas daw sila at maingay.
Hindi kami nakapanood ng EB! dahil kasabay ng pagsasara ng ABS-CBN ay nawalan na rin kami ng telebisyon sa bahay.
Anyway, magandang training ground kay Bimb ang noontime show dahil hosting ang talagang gusto ni Kris para sa anak, na gusto rin naman nito. Malapit din ang binata sa mga taga-EB! dahil nakasama na niya ang mga ito sa pelikula noong bata pa siya.
Kaya nga nagkaroon sila ng love team ni Ryzza Mae Dizon noon, at ngayong nasa EB! na si Bimby ay tinutukso sila.
Pinaghahandaan ni Bimby Aquino ang pagpasok niya, na nagsimula nitong linggo, bilang testing the waters kung tatanggapin siya ng mga viewers ng programa. May mga video sa social media na hiyawan ang studio audience nang tawagin siya.
Anyway, hindi pa rin kami binabalikan ng handler ng binata hanggang matapos naming sulatin ang balitang ito para sana sa iba pang detalye tungkol sa alaga niya.
Grabe ang schedule ng Sigabo cast sa pangunguna nina Coco Martin at Julia Montes. Saan kaya nila kinukuha ang lakas nila para sa sunud-sunod nilang mga ganap sa promo ng serye na magsisimula na sa Lunes, Hunyo 22?
Bukod sa motorcade na ginawa nila noong nakaraang linggo sa buong Kamaynilaan, kasama pa ang Pasay City dahil dumaan pa sila sa Baclaran kaya gabi na ito natapos, kinabukasan ay may taping pa sila sa Tondo, Manila dahil hindi pa tapos kunan ang isang linggong episode.
Sumunod na araw ay lumipad sila pa-Cebu para sa motorcade ulit sa katirikan ng araw. Kahit may bubong ang kanilang sasakyan, ramdam pa rin ang hapdi ng init kaya lahat sila ay naka-long sleeves at si Coco ay suot ang kanyang signature jacket.
Pagbalik ng Manila ay balik-taping ulit, at in between takes ay si Coco mismo ang nagdidirek ng ilang eksena, katuwang si Direk Richard Somes.
Base sa trailer ng Sigabo, matindi ang unang linggong episode nito.
Nitong Huwebes, Hunyo 18, nag-motorcade ulit ang star-studded cast ng Sigabo sa Bacoor, Cavite kung saan binaybay nila ang 9 na barangay na dinumog ng mga tao.
Kuwento ng mga supporters na sumama sa motorcade, “Pagoda (pagod), grabe!”
Naniniwala kaming pagod ang lahat dahil may kuha sina Coco at Julia na bagsak na ang kanilang mga mata habang nakaupo at hindi makaharap sa tao, pero nang muling tumayo at kumaway ay agad bumalik ang kanilang ngiti.
Kahapon, Biyernes, Hunyo 19, balik-taping ulit ang mga cast sa Tondo, Manila kung saan doon kukunan ang buong serye.
Pakiramdam namin ngayong araw, Sabado, Hunyo 20, at bukas, Linggo, Hunyo 21, ay magpapahinga nang husto ang buong cast dahil sa sobrang pagod.
Sa Lunes, Hunyo 22, ang opening ng Sigabo. Eksklusibo itong ipapapanood sa ilang miyembro ng media at vloggers para sa reviews, at sa hapon ay ang grand welcome ng cast kasama ang buong production team at mga executives ng ABS-CBN at TV5.





Comments