Pangarap na libre at dekalidad na WIFI connection, matutupad na
- BULGAR

- Oct 16
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | October 16, 2025

Good news para sa lahat ng mag-aaral at mga guro sa buong bansa.
Ngayong nagiging moderno na ang bagong lengguwahe ng ating edukasyon, hindi na lang chalk at pisara ang kailangan sa pag-aaral, sinasabayan na ito ng mabilis at epektibong paraan para makapaghatid ng kaalaman sa bawat mag-aaral.
Kaya naman ang paglalaan ng pamahalaan ng P3 bilyon para sa pagpapabilis ng digital connectivity sa mga pampublikong paaralan ay hindi lang simpleng proyekto, ito ay hakbang patungo sa magandang na kinabukasan para sa bawat batang Pinoy.
Sa panahong ang kaalaman ay laganap na sa internet, ang bawat signal tower ay tila tulay para sa mabilis at epektibong pagkatuto.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, kalahati ng pondo na P1.5 bilyon ay inilaan sa Department of Education (DepEd) para sa Connectivity Enhancement Program for E-Learning, na target ang mahigit 8,200 last-mile schools sa buong bansa.
Ang isa pang P1.5 bilyon ay para naman sa Department of Information and Communications Technology (DICT) upang palakasin ang Free Public Internet Access Program.
Binigyang-diin ni Pangandaman, na dati ay pangarap lang ang matatag na internet sa mga liblib na lugar, pero ngayon ay unti-unti na itong nagiging realidad sa bawat mag-aaral. Sa ilalim ng 2025 national budget, ang mga regional office ng DICT ang mangunguna sa pagpapatupad, gamit ang listahan ng DepEd ng mga paaralang tatanggap ng koneksyon. Target ng pamahalaan na bago matapos ang 2025 ay 100% connected na ang lahat ng iskul sa bansa.
Dagdag ng kalihim, dapat ang bawat kabataang Pinoy, mula sa mga lungsod hanggang sa malalayong isla ay magkaroon ng patas na pagkakataon para sa dekalidad na edukasyon.
Isang pahayag ito na hindi lang teknikal, kundi makatao rin. Sapagkat sa likod ng mga antena at router, ang tunay na layunin ay ang pagbibigay daan sa pangarap ng bawat mag-aaral.
Kung dati’y mahinang signal ang hadlang sa pag-aaral, ngayon ay malakas na koneksyon na para mapabuti ang kanilang mga aralin.
Higit sa lahat, ang proyektong ito ay naghahatid ng pagkilala na ang edukasyon ay hindi na nakabatay sa kung saan ka sa bansa dahil ang pag-asa ay sa pagkakaroon ng WiFi, kahit sa bundok o dalampasigan man.
Ngayong lahat ng impormasyon ay nasa internet na, nararapat lang na tayo ay mag-invest para sa mga kabataan. Tama lang na bigyan ng pansin ang problema ng mga pampublikong paaralan sa kung paano makakasabay ang bawat mag-aaral sa bilis ng teknolohiya.
Ang pagkakaroon ng libre at dekalidad na WiFi connection ay isang malaking ginhawa para sa mga guro, mga magulang at sa mga batang nangangarap.
Gayundin, ang naturang programang ay hindi lang tungkol sa internet, ito’y koneksyon ng gobyerno sa bawat mamamayan, at pagbibigay sa lahat ng mag-aaral ng magandang kinabukasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments