top of page
Search
BULGAR

Pang-iinsulto, diskriminasyon at malupit na kondisyon sa trabaho

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 1, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Isa akong sales agent sa isang kumpanya. Kamakailan lamang, napilitan akong magbitiw sa trabaho dahil sa patuloy na pang-iinsulto, diskriminasyon, at pagpapahirap sa akin. Kung anu-ano ang mga binitawang masasakit na salita ng aking mga supervisor. Ilang beses din na binalewala ang orders/reservations na ginawa ko para sa mga kliyente ko, kung kaya nawalan ako ng benta na naging dahilan para hindi ko maabot ang aking quota. Ilang beses din na ipinamukha sa akin na dapat na akong magbitiw sa trabaho. Dahil naapektuhan na ako, napilitan na akong magbitiw. Maaari ba akong maghain ng reklamo laban sa kumpanya?

— Kristopher


 

Dear Kristopher,


Ang constructive dismissal ay nangyayari kapag ang patuloy na pagtatrabaho ay ginawang imposible o hindi makatwiran; kapag may pagbaba sa ranggo at/o pagbaba ng suweldo; o kapag ang malinaw na diskriminasyon o pang-aalipusta ng isang employer ay nagiging pahirap o malupit sa empleyado. Sa ganitong mga kaso, ang hindi makatwiran o kawalan ng posibilidad ng patuloy na pagtatrabaho ay nag-iiwan sa isang empleyado ng walang ibang mabisang paraan kundi ang wakasan ang kanyang trabaho.


Kaugnay nito, sa kasong Jonathan Dy Chua Bartolome vs. Toyota Quezon Avenue, Inc., et al., G.R. No. 254465, 03 Abril 2024, ipinahayag ng ating Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Amy C. Lazaro-Javier, na ang mga pang-iinsulto at poot ng employer na naging dahilan para mapilitan ang empleyado na magbitiw sa trabaho ay labag sa batas:


xxx [I]t is settled that acts of disdain and hostile behavior such as demotion, uttering insulting words, asking for resignation, and apathetic conduct toward an employee constitute constructive illegal dismissal whenever by reason thereof, one’s employment becomes so unbearable he or she is left with no choice except to resign. The Court has held that the standard for constructive dismissal is ‘whether a reasonable person in the employee’s position would have felt compelled to give up [their] employment under the circumstances.’


Notably, the unreasonably harsh conditions which compel resignation on the part of an employee must be way beyond the occasional discomforts brought about by the misunderstandings between the employer and employee. Strong words may sometimes be exchanged as the employers describe their assigned tasks. As in every human relationship, there are bound to be disagreements.


However, when these strong words from the employer happen without palpable reason or are expressed only for the purpose of degrading the dignity of the employee, then a hostile work environment will be created. In a sense, the doctrine of constructive dismissal has been the Court’s consistent vehicle to assert the dignity of labor.


Alinsunod dito, ang hindi makatwiran at malupit na mga kondisyon na naging dahilan para mapilitan ang empleyado na magbitiw sa trabaho ay dapat na higit pa sa mga paminsan-minsang kawalan ng ginhawa na dulot ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng employer at empleyado.  Maaaring magkaroon ng palitan ng mga matatapang na salita habang inilalarawan ng employer sa kanyang empleyado ang mga nakatalagang gawain nito. Tulad ng bawat relasyon ng tao, tiyak na may mga hindi pagkakasundo.


Subalit, kapag ang mga matatapang na salita mula sa employer ay nangyari nang walang kapansin-pansing dahilan o ipinahayag lamang para sa layunin ng pagpapababa sa dignidad ng empleyado; kung gayon, ang isang masamang kapaligiran sa trabaho ay malilikha. Sa isang kahulugan, ang doktrina ng constructive dismissal ay naging instrumento upang igiit ang dignidad ng mga manggagawa.


Sa iyong sitwasyon, kung mapapatunayan ang pang-iinsulto at ang malupit na kondisyon sa iyong trabaho dulot ng iyong employer, maaaring mapanagot ang kumpanya para sa constructive dismissal o pagkakatanggal mo sa trabaho.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page