Pang-aabuso sa kabataan gamit ang internet, nakababahala!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 15, 2021
Nakakaalarma itong ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nadiskubre umano nilang tumaas ng 156 porsiyento ang mga kaduda-dudang transaksiyon na nag-uugnay sa child sexual abuse at exploitation na umaabot na sa halagang P113 milyon.
Ito ay ilan lamang umano sa nadiskubre nilang transaksiyon at pinaniniwalaang mas marami pa ang mga nagsisiyamang sangkot sa ganitong uri ng operasyon gamit ang mga batang kanilang inilalako online.
Ayon sa Department of Justice (DOJ) libu-libo umano ang natatanggap nilang sumbong hinggil sa online child sexual exploitation na mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa habang nasa ilalim tayo ng enhanced community quarantine (ECQ).
Base rin sa ulat ng National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) at ng DOJ Office of Cybercrime na umabot umano sa 279,166 ang insidente na inireklamo sa kanilang tanggapan mula Marso 1 hanggang Mayo 24, 2020 sa panahon mismo nang kasagsagan ng quarantine.
Ito ang panahon na tumaas din ang bilang ng mga gumagamit ng internet dahil mahigpit ang kautusan ng pamahalaan na huwag lalabas ng bahay upang hindi mahawa sa COVID-19.
At habang isinusulat ang artikulong ito, ang International Justice Mission, ang Child Rights Network (CRN) at maging ang UNICEF ay kinikilala ang ating bansa na siyang pinakamalaking pinagmumulan ng online child sexual exploitation.
Maging ang mga alagad ng batas na hindi tumitigil sa pagsakote sa mga nasa ganitong operasyon at napakarami na ring mga bata ang kanilang nailigtas ay aminadong hirap pa rin sila kung paano ito masasawata.
Sa inilabas na datos naman ng Philippine National Police (PNP) ay umabot sa 602 ang naging biktima nang panggagahasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa mula Marso 17 hanggang Mayo 23 sa kasagsagan din ng ECQ at pumapatak ito ng 8 kada araw.
Napakalaki talaga ng responsabilidad ng internet service providers upang mabigyan ng karampatang solusyon ang kinahaharap na problemang ito ng bansa upang maasistehan nila ang pamahalaan para labanan ang online sexual exploitation sa mga bata.
Ang Save the Children Philippines ay nagbigay din ng pahayag na ang pandemya umano ay hindi na krisis sa kalusugan kung hindi krisis na sa karapatan ng mga bata na kailangang matugunan sa lalong madaling panahon.
Ang online sexual abuse at exploitation ng mga bata na karaniwang nasa edad 11 pababa ay isa umanong silent pandemic na may permanente at nakasisirang epekto sa kaisipan ng mga bata at sa buo nitong pagkatao.
Maging ang Palasyo mismo ay naagaw na ang atensiyon ng nakakaalarmang sitwasyong ito at nag-utos na dapat papanagutin ang dalawang telecommunication company (telcos) dahil sa kabiguan nitong maprotektahan ang mga bata sa kalaswaan kaya hintayin natin kung ano'ng hakbang ang kanilang isasagawa para matuldukan na ang problemang ito.
Tumaaas din ang kaso ng cybersex trafficking dahil may ilang magulang na nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya ang mismong nag-uudyok sa kanilang mga anak upang maghubad at gumawa ng malaswa sa harap ng computer.
Hindi naman basta nakatunganga lang ang pamahalaan sa nangyayaring ito kaya pansamantala ay gabayan natin ang ating mga anak upang hindi mabiktima ng karumal-dumal na pangyayaring ito.
Hindi natin titigilan ang pagsubaybay sa kasong ito at naniniwala tayong isa sa mga araw na darating ay mahahanapan natin ng lunas kung paano maipapataw ang batas nang mas mabilis laban sa mga maiitim ang budhi na nasa likod nito at kapag dumating ang araw na iyon ay sa kalaboso ang bagsak ng mga walang kaluluwang ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments