top of page

Panawagan sa mga mambabatas: FOI Bill, ipasa na!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 29
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 29, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Ang Pilipinas ay isang bansang republikano at demokratiko. Ang ganap na kapangyarihan (sovereignty) ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan. Ito ang itinatakda ng Artikulo II (Mga Simulain at Mga Patakaran ng Estado), Seksyon 1 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.


Dahilan dito, lahat ng mamamayang Pilipino ay hindi lamang binigyan ng kalayaan sa pananalita, pagpapahayag at pamamahayag. Pinagkalooban at kinilala rin ang kanilang karapatang kumuha at makakuha ng mga impormasyong makakaapekto sa kanila, ganoon din ng mga opisyal na rekord, dokumento at papeles tungkol sa mga opisyal na gawain, transaksyon o pasya, at mga datos sa pananaliksik ng pamahalaan ng pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad, alinsunod sa maaaring itadhana ng batas.


Tatlumpu’t walong taon na ang nakalipas mula nang pagtibayin ang 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, wala pa ring matibay at komprehensibong Freedom of Information law bagama’t sa lahat ng Kongreso mula noong 1988 hanggang ngayon ay may mga bill o panukalang magkaroon nito. Ang maituturing lamang na Freedom of Information law ay ang Executive Order No. 02, serye ng 2016 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa ilalim ng nasabing Executive Order, binigyan ng karapatan ang bawat mamamayang Pilipino na kumuha at makakuha ng mga impormasyon, opisyal na rekord at dokumento na may kinalaman sa mga opisyal na gawain, transaksyon, desisyon at datos ng lahat ng tanggapan at ahensya ng gobyerno sa ilalim ng Ehekutibo. Kaya hindi saklaw ang mga nasa ilalim ng Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan, ganoon din ang Hudikatura.


Bukod dito, maraming eksepsiyon o hindi saklaw ng nasabing Executive Order. Binigyan din ng karapatan ang mga pinuno ng mga ahensyang nasa ilalim ng Ehekutibo na tanggihan o huwag aprubahan ang anumang kahilingang makakuha ng impormasyon o dokumento mula sa kanilang ahensiya ayon rito. Kaya halos nawalan ng ngipin ang nasabing Executive Order.


Kung mayroon mang higit na pangangailangan para sa isang malakas, matibay at komprehensibong Freedom of Information law, ito ay ngayon dahilan sa araw-araw ay walang humpay ang balita tungkol sa malakihan at malawakang korupsiyon sa gobyerno na ang halaga ay nakalulula, sapagkat hindi lamang milyon kundi bilyun-bilyong piso. Samantalang ang mga karaniwang Pilipino ay patuloy na nagsasakripisyo at nagtitiis sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin para sa pang araw-araw na pangangailangan, nagpapasasa naman diumano ang ilang opisyal at kawani ng gobyerno sa salaping kinita mula sa korupsiyon.


Ang isang malakas, matibay at komprehensibong Freedom of Information law ay makatutulong sa pagsugpo at paglaban sa korupsiyon sapagkat magkakaroon nang higit na transparency at accountability sa buong gobyerno.


Ang pagiging transparent ay mangangahulugan ng pagbibigay ng malinaw at bukas na impormasyon tungkol sa mga proseso, desisyon at aktibidad sa lahat ng sangay ng gobyerno na kailangan ng bawat mamamayan upang makabuo sila ng kanilang sariling opinyon. Sa ganoon ay maiiwasan ang mga kaduda-dudang gawain ng mga opisyales at empleyado ng pamahalaan na magiging daan ng pagbabalik ng tiwala ng mga mamamayan.


Sa isang pag-aaral noong 2014 sa Estados Unidos, lumabas na mula nang magkaroon ng Freedom of Information law sa ilang estado o state doon ay tumaas ang bilang ng mga napatunayang lumabag sa mga batas laban sa korupsiyon.


Sa isang dako naman, ang pagkakaroon ng accountability o pananagutan ay mag-uudyok sa mga nasa gobyerno na maging laging maingat sa kanilang mga aksyon, desisyon at galaw, na pagbutihin ang paglilingkod sa mga mamamayan at tiyaking lahat ng kanilang ginagawa ay naaayon sa batas. Makakapigil din ito na abusuhin ang kanilang kapangyarihan.


Sa panig naman ng mga karaniwang mamamayan, ang Freedom of Information law ay magbibigay sa kanila ng lakas ng loob na ibulgar ang mga nalalaman nilang katiwalian sa pamahalaan.


Kaya ang dapat na asintaduhin at higit pag-ukulan ng panahon ng ating mga mambabatas ay ang pagpapatibay ng isang malakas, matibay at komprehensibong batas sa Freedom of Information. Dito natin mapatutunayan kung sinsero nga ba ang mga mambabatas na totohanin ang pagbuwag sa galamay ng korupsiyon o sila man din ay walang itinatagong maaaring maungkat o maibuyangyang sa taumbayan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page