Panawagan sa mas malakas na proteksyon para sa public school teachers
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 30, 2026

Sa gitna ng inaasahan nating pagdiriwang ng Labor Day o Araw ng Paggawa, binibigyang pugay natin ang mga guro na may pinakamahalagang papel sa paghubog ng kinabukasan ng ating mga kabataan. Sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng ating sektor ng edukasyon, patuloy na nagsisikap ang ating mga guro upang magabayan ang ating mga mag-aaral tungo sa isang magandang kinabukasan.
Ngunit hindi sapat na pasalamatan natin ang ating mga guro para sa hindi matatawarang serbisyo nila sa ating mga kabataan, pati na rin sa buong bansa. Mahalagang tiyakin din nating itinataguyod natin ang kanilang kapakanan. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang Revised Magna Carta of Public School Teachers (Senate Bill No. 363) upang madagdagan ang benepisyo ng mga guro, mabigyan sila ng proteksyon, at maitaguyod ang kanilang kapakanan at karapatan.
Layon ng panukalang batas na ito na ma-amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na unang naisabatas halos anim na dekada na ang nakalipas. Sa loob ng 59 taong lumipas, may mga probisyon ang naturang batas na hindi ganap na naipatupad. Marami na ring nagbago sa mga hamong kinakaharap natin, kaya naman napapanahon nang amyendahan ang Magna Carta upang tiyaking akma ito sa kasalukuyang pangangailangan ng ating mga guro.
Ilan sa mga isinusulong natin sa ilalim ng Revised Magna Carta for Public School Teachers ang mga sumusunod: proteksyon sa security of tenure ng mga guro, pagbabawal sa pagpapagawa ng mga non-teaching tasks o mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo, at proteksyon mula sa out-of-pocket expenses.
Isinusulong din ng panukalang batas ang mas maayos na mga working conditions para sa ating mga guro. Hindi na rin natin pahihintulutan ang understaffing at overloading o pagpataw ng labis na gawain. Dagdag pa rito, pagsisikapan nating hindi sobra ang bilang ng mga mag-aaral kada silid-aralan upang mas matutukan ng ating mga guro ang ating mga mag-aaral.
Nakasaad din sa ating panukala na layunin nating isabatas ang pagbibigay ng calamity leave, longevity pay, at iba pang mga benepisyo. Itatakda rin natin ang mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance.
Ilan lamang ito sa mga probisyong nakalagay sa ating panukala. Makakaasa ang ating mga guro na patuloy natin itong isusulong upang maitaguyod natin ang kanilang kapakanan
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments