top of page
SHEET - PARUSA SA IRESPONSABLENG GUN OWNER, MAS BIGATAN – CONG. JAVI_IG _javibenitezzz.jpe

Pananagutan sa pag-iwan ng sanggol sa isang institusyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 22, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May kapitbahay ako na menor-de-edad na nanganak noong nakaraang linggo. Dahil siya ay nag-aaral pa, wala siyang sapat na kakayahan upang alagaan at palakihin nang maayos ang kanyang anak. Kaya iniisip niyang ipaubaya o ipagkatiwala ang kanyang anak sa isang institusyon na kayang magbigay ng tamang pangangalaga. Magkakaroon ba siya ng pananagutang kriminal dahil dito? Nais ko lamang pong maliwanagan. Maraming salamat po. — Ferdi Laguitao





Dear Ferdi Laguitao,


Tungkulin ng Estado na protektahan ang kapakanan ng mga bata, lalo na ang mga nangangailangan ng espesyal na pangangalaga, sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanilang pagkakakilanlan at pinagmulan. Kaya naman naisabatas ang Republic Act (R.A.) No. 11767 o ang “Foundling Recognition and Protection Act.” Ayon sa Seksyon 5 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na ito:


Section 5. Safe Haven. - Notwithstanding Articles 276 and 277 of the Revised Penal Code and Republic Act No. 7610, any parent who relinquishes/entrusts an infant thirty (30) days old and younger to the following persons or entities shall be exempted from criminal liability:


(a) A licensed child-caring agency;

(b) A licensed child-placing agency;

(c) A church: Provided, That, for purposes of these rules, a church and other places known/recognized shall be defined as a place devoted to religious worship held with regularity;

(d) Department of Health (DOH)-accredited health facilities, including hospitals, infirmaries, city health offices, birthing homes, rural health units, lying-in clinics and barangay health stations;

(e) A Local Social Welfare and Development Office (LSWDO); and

(f) DSWD managed residential care facilities and LGU managed residential care facilities.


Provided, that such relinquish/entrustment did not result in gross negligence or death of the infant.”


Ayon sa nabanggit na batas, ang magulang na magbibigay o magtitiwala ng pangangalaga sa kanyang sanggol na 30 araw ang gulang pababa sa isang lisensyadong child-caring agency, child-placing agency, simbahan, pasilidad pangkalusugan na kinikilala ng DOH tulad ng mga ospital at birthing homes, local social welfare and development office, o mga residential care facility na pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) o lokal na gobyerno, ay hindi mananagot sa kasong kriminal na pag-abandona ng menor-de-edad sa ilalim ng Articles 276 at 277 ng Revised Penal Code of the Philippines at sa ilalim ng Republic Act (R.A.)  No. 7610.


Batay sa nabanggit na IRR, maaaring hindi magkakaroon ng pananagutang kriminal ang iyong kapitbahay kung ipapaubaya o ipagkakatiwala niya ang kanyang sanggol sa mga nabanggit na institusyon bago pa ito lumampas sa edad na 30 araw.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page