Pananagutan sa gastusin sa bentahan ng lupa
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 27, 2026

Dear Chief Acosta,
Napansin ko na paiba-iba ang patakaran ng mga nagbebenta at bumibili ng lupa pagdating sa pagsagot sa mga gastusin hinggil sa nasabing bentahan. Minsan ay ang nagbebenta ang sumasagot, at minsan naman ay ang bumibili. Sino po ba talaga ang may pananagutan sa mga gastusin kapag may bentahan ng lupa? — Henry
Dear Henry,
Sang-ayon sa Artikulo 1458 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas, ang isang contract of sale o bentahan ay isang kasunduan kung saan isinasalin ng isang partido ang pagmamay-ari ng isang bagay sa kabilang partido, kapalit ng pera na katumbas ng presyo nito. Ngunit bukod sa halaga ng nasabing bagay, hindi maiiwasan na gumastos para sa mga bagay na kinakailangan upang maisakatuparan ang nasabing bentahan, ilan na rito ay ang buwis gaya ng capital gains tax, documentary stamp tax, professional fees, at notarial fees na siyang kabayaran sa abogado na nagsaayos ng nasabing kasunduan, bayad sa pag-iimprenta at iba pang mga sari-saring gastos ukol dito.
Sang-ayon sa batas, ang capital gains tax ay isang buwis na ipinapataw sa mga ipinalalagay ng batas na kinita ng nagbebenta mula sa pagbenta o iba pang disposisyon ng mga capital asset na matatagpuan sa Pilipinas, kabilang ang pacto de retro sale at iba pang anyo ng conditional sale. Samakatuwid, ang pananagutan sa pagdedeklara at pagbabayad ng capital gains tax ay nakaatang sa nagbebenta (seller).
Hinggil naman sa iba pang mga gastusin sa pagbebenta na mga nabanggit sa itaas, ito ang sinasaad sa Artikulo 1487 ng Kodigo Sibil ng Pilipinas:
“ARTICLE 1487. The expenses for the execution and registration of the sale shall be borne by the vendor, unless there is a stipulation to the contrary.”
Maliwanag sa nabanggit na maging ang iba pang mga gastusin sa bentahan ay tinatakda ng batas na sagot din ng nagbebenta nito. Ngunit sinabi rin na ang pananagutang ito ay maaaring maiba o maipasa sa bumibili kung kanila itong mapagkakasunduan. Kayat kung walang napagkayarian o napag-usapan kung sino ang dapat sumagot sa mga gastusin kaugnay sa isang kasunduan ng pagbebenta ng lupa, ang sasagot nito ay ang nagbebenta sang-ayon sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments