Pananagutan sa disability ng seafarer
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 18, 2021
Dear Chief Acosta,
Naaksidente ang aking kaibigan sa hotel na pinatirahan sa kanya ng kanyang principal nang siya ay ma-empleyo bilang seafarer sa ibang bansa. Hindi pinansin ng kanyang kompanya ang pananakit ng kanyang likuran kahit pa ipinaalam na niya ito.
Bagkus ay pinagbubuhat pa siya ng mga suplay ng gamit para sa kanilang trabaho.
Napauwi siya nitong Enero dahil hindi na niya makayanan ang sakit. Nakapagpatingin na siya sa ibang doktor na nagsabing hindi na siya maaaring makapagtrabaho pa sa barko dahil sa bali sa kanyang likuran. May pananagutan ba ang kanyang naging employer dito gayung napakatagal na at wala pa silang inilalabas na rating tungkol sa kanyang naging kapansanan? – Leopoldo
Dear Leopoldo,
Para sa inyong kaalaman, ipinaliwanag, ng ating Kagalang-galang na Korte Suprema sa kasong Christopher Calera vs. Hoegh Fleet Services Philippines, Inc. (G.R. No. 250584, June 14, 2021, Ponente: Honorable Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier) na:
“It is not required that the employment be the sole factor in the growth, development, or acceleration of the illness to entitle the claimant to the benefits incident thereto. It is enough that the employment had contributed, even in a small measure, to the development of the disease.”
Samakatwid, hindi alintana kung ang aksidente sa hotel na pansamantalang pinatirahan ng kanyang employer unang natamo ng inyong kaibigan ang kanyang injury upang masabing compensable injury ito. Sapat nang ang trabaho niya ang nakadagdag sa pinsalang ito, at walang ginawa ang kanyang kompanya upang maibsan man lamang ito nang kanyang ipaalam ang aksidente.
Gayundin, naipabatid sa parehas na kaso na:
“Sans a valid final and definite assessment from the company-designated physicians within the 120/240-day period, the law already steps in to consider petitioner's disability as total and permanent. By operation of law, therefore, petitioner is deemed totally and permanently disabled.”
Kung wala namang magpahanggang ngayong definite assessment ang employer ng inyong kaibigan at lumagpas na ito sa panahon na itinakda ng batas, ipagpapalagay nang permanente ang kanyang kapansanan at ito ay babayaran sang-ayon sa rating nito na nakatakda sa batas o mga ipinaiiral na panuntunan o kontrata.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments