Pananagutan ng nagbigay ng pagkain na nakasakit sa kumain
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 29, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroon pong isang kompanya na nag-donate sa amin ng food packages na tulong diumano nila sa aming mga apektado ng pandemya. Maayos naman po at mukhang malinis ang hitsura ng food package na ito kaya pinakain ko ito sa aking mga anak.
Ngunit, matapos ng isang araw ay bigla na lamang sumakit ang tiyan ng aking mga anak. Maaari ko po bang ireklamo ang kompanyang ito na nagbigay ng nasabing donasyon?
Lito
Dear Lito,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Section 5 ng Republic Act (R. A.) No. 9803 o mas kilala sa tawag na An Act To Encourage The Donation Of Food For Charitable Purposes kung saan nakasaad na:
“Section 5. Liability for Damages from Donated Food. - A person, whether natural or juridical, shall not be subject to civil or criminal liability arising from the nature, age, packaging, or condition of apparently wholesome food that a person donates in good faith for charitable purposes. This shall not apply, however, to an injury or death of an ultimate beneficiary of the donated food that results from an act or omission of a person constituting gross negligence or intentional misconduct.” (Binigyang-diin)
Samakatuwid,malinaw sa batas na hindi maaaring kasuhan ang isang tao, natural man o juridical, na nag-donate ng mga pagkaing kaayaya o mga pagkaing natugunan ang kalidad at ang mga label na ipinag-uutos ng batas kung mayroon man taong magkakasakit nang dahil sa pagkain nito. Upang walang pananagutan sa batas, kinakailangan na ibinigay niya ito dahil sa kanyang kabutihang loob na makapagkawanggawa.
Kaugnay nito, maaari lamang siyang kasuhan kung siya ay makakakitaan ng lubhang kapabayaan sa pag-aayos ng nasabing pagkain, o siya ay makakakitaan ng intensyon na makasakit ng kanyang kapwa.
Sa inyong kaso, dahil nasabi n'yong maayos naman at mukhang malinis ang hitsura ng food package na inyong natanggap, hindi n'yo maaaring ireklamo ang kompanyang nagbigay ng nasabing donasyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments