Pananagutan ng gumagamit at nagmamay-ari ng pekeng pera
- BULGAR
- 3 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 21, 2025

Dear Chief Acosta,
Nagpunta ako sa isang lotto outlet malapit sa bahay namin para subukang tumaya sa lotto. Noong magbabayad na ako, nagbigay ako ng Php1,000.00, pero hindi ito tinanggap ng tindero dahil diumano ay wala siyang barya kaya nagbigay na lang ako ng Php30.00. Noong hiningi ko ang ibinigay kong Php1,000.00 ay sinabihan ako ng tindero na diumano ay peke ito. Hindi ko mawari kung paano ito naging peke kaya tinanong ko ulit siya kung “Peke ba talaga iyong pera ko?”. Nang muli niya itong tingnan ay sinabi niya na diumano ay peke nga ito kaya naman kinuha ko na lang ito para hindi na maipambayad sa iba. Makakasuhan ba ako ng kasong kriminal kahit hindi ko alam na peke ang dala kong pera at ipinambayad lang din naman ito sa akin sa palengke? — Noemi
Dear Noemi,
Nakasaad sa Article 168 ng Revised Penal Code of the Philippines na ang sinumang tao na alam na siya ay gumagamit ng pekeng pera, o mayroon siya sa kanyang pagmamay-ari at may intensyon siyang gamitin ito, ay maaaring magkaroon ng pananagutang kriminal:
“Article 168. Illegal possession and use of false treasury or bank notes and other instruments of credit. — Unless the act be one of those coming under the provisions of any of the preceding articles, any person who shall knowingly use or have in his possession, with intent to use any of the false or falsified instruments referred to in this section, shall suffer the penalty next lower in degree than that prescribed in said articles.”
Sa Pilipinas, hindi lang ang mga mismong gumawa ng pekeng barya o pera ng Pilipinas ang pinarurusahan kundi maging ang mga taong gumagamit nito nang may kaalaman na peke ang kanyang pera.
Dagdag pa rito, sa kasong Juanito Gallano vs People of the Philippines, G.R. No. 230147, 21 February 2024, nilinaw ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Kagalang-galang na Mahistrado Alfredo Benjamin S. Caguioa, na dalawa ang paraan para malabag ng isang tao ang Article 168 ng Revised Penal Code. Una, ang paggamit ng pekeng pera. Pangalawa, pagmamay-ari ng pekeng pera nang may intensyon na gamitin ito. Sa parehong paraan, importante na alam ng salarin na peke ang perang hawak niya.
Samakatuwid, maliwanag sa nasabing kaso na mahalaga na intensyon ng akusado na gamitin ang pekeng pera. Kaya naman, kung ang isang tao ay may hawak na pekeng pera at wala naman siyang intensyon na gamitin ito, maaaring hindi niya nilabag ang nasabing artikulo:
“As such, jurisprudence has established that the possession of false treasury or bank notes alone is not punished under Article 168 of the Revised Penal Code. For it to constitute an offense defined therein, the possession of false treasury or bank notes must be proved to be with intent to use said false treasury or bank notes.45 In other words, intent to use the falsified note is an integral element of the crime.
x x x Upon reviewing the relevant cases, it is evident that the law places significant emphasis on intent. The structure of the elements makes it clear that mere possession of a counterfeit note is not punishable in itself. Thus, a person caught in the act of uttering or using counterfeit notes cannot be held liable unless there is clear evidence that they were aware of the note's counterfeit status. The knowledge and intent behind the actions are key to establishing legal culpability for the crime of illegal possession and use of false treasury or bank notes.”
Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi ka magkaroon ng pananagutang kriminal dahil lang sa ikaw ay may hawak na pekeng pera. Base sa iyong salaysay, hindi mo alam na ito ay peke at kung wala ka naman intensyong gamitin ito bilang pambayad ay hindi nalabag ang Article 168 ng Revised Penal Code.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments