Pananagutan ng employer sa kapabayaan ng empleyado
- BULGAR

- Sep 19
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 19, 2025

Dear Chief Acosta,
Balak kong magtayo ng maliit na negosyo sa lugar namin. Nabanggit sa akin ng kaibigan ko na dapat akong maging maingat sa pagkuha ng mga tauhan dahil maaari akong managot sa anumang kapabayaan na gagawin ng mga ito. Ano ba ang sinasabi ng batas ukol dito?
-- Arianne
Dear Arianne,
Ang kasagutan sa iyong tanong ay mababasa sa Artikulo 2180 ng New Civil Code of the Philippines. Dito ay nakasaad na:
“Employers shall be liable for the damages caused by their employees and household helpers acting within the scope of their assigned tasks, even though the former are not engaged in any business or industry.”
Ang nasabing probisyon ay ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman sa kaso na Pedro De Belen and Bejan Mora Semilla vs. Virginia Gebe Fuchs (G.R. No. 258557, October 23, 2023, sa panulat ni: Honorable Associate Justice Jhosep Y. Lopez) kung saan nakasaad na:
“Effectively, under Article 2180 in relation to Article 2176 of the Civil Code, it is the employer who becomes primarily liable for the acts of the employee should damages result from an act within the scope of their assigned task.
The employer’s liability is based on their negligence in supervision and authority. It is not conditioned upon the insolvency of, or prior recourse against, the negligent employee. To rebut this, employers can prove that they observed the diligence of a good father of a family to absolve themselves from liability, though they are not engaged in any business or industry.”
Sang-ayon sa nabanggit, ipinapalagay ng batas na ang isang employer ay pangunahing may pananagutan sa anumang kapabayaan ng kanyang mga tauhan habang ginagampanan ang kanilang trabaho. Sa kabila nito, maaari lamang hindi managot ang employer kung kanyang mapatutunayan na siya ay nagkaroon ng tinatawag na “diligence of a good father of a family” o naging maingat siya sa pagpili at sa pamamahala sa kanyang mga tauhan.
Kaya naman, mahalaga at dapat unawain na kailangan mong gawin ang nasabing pag-iingat hindi lamang sa pagpili ng iyong magiging tauhan, kundi hanggang sa mismong pagtatrabaho ng mga ito sa iyo. Dapat mong maipakita na ikaw, bilang isang employer, ay gumawa ng mga hakbang upang masiguro ang mahigpit na pag-iingat sa mga gawain ng iyong mga tauhan. Kaya’t sa iyong kalagayan ay marapat gawin ang masusing pagsisiyasat sa sino mang iyong kukuhaning tauhan, gayundin ang pagsisiguro na sila ay tatalima sa ano mang pamantayan sa pagsasaayos ng kanilang mga gawain.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments