top of page

Pananagutan ng drayber ng bus sa natamong pinsala ng pasahero mula sa kapwa pasahero

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 3
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 3, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay isang drayber ng pampasaherong bus. May pasahero ako na sinaksak ng kapwa niya pasahero sa hindi malamang kadahilanan. Hindi nakilala ng biktima ang salarin at hindi rin ito nahuli dahil kaagad itong nakatakas. Ang masakit ay ako ang inirereklamo ng pasahero para magbayad ng danyos dahil hindi diumano namin siya nadala sa kanyang destinasyon nang ligtas. Sinabi pa niya na ang pag-iingat na kinakailangan mula sa amin sa lahat ng pagkakataon ay “extra-ordinary diligence”. Maingat naman ako sa aking pagmamaneho at wala rin akong napansin na kahina-hinala sa aming mga pasahero noong nangyari ang insidente. Totoo ba na ang extraordinary diligence ang dapat na pag-iingat na gagawin namin sa lahat ng pagkakataon? -- Boznia



Dear Boznia,


Ang pananagutan ng isang pampasaherong bus kung may natamong pinsala ang isang pasahero mula sa kapwa pasahero ay nakasaad sa Artikulo 1763 ng Bagong Kodigo Sibil ng Pilipinas na:


“A common carrier is responsible for injuries suffered by a passenger on account of the willful acts or negligence of other passengers or of strangers, if the common carrier's employees through the exercise of the diligence of a good father of a family could have prevented or stopped the act or omission”.


Ang ilustrasyon o aplikasyon ng nabanggit na probisyon ng batas ay ginamit sa kasong G.V. Florida Transport, Inc. vs. Heirs of Battung, Sr., October 14, 2015, na kung saan ang Korte Suprema ay nagsalita sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Estela M. Perlas-Bernabe:


“On the other hand, since Battung’s death was caused by a co-passenger, the applicable provision is Article 1763 of the Civil Code, which states that “a common carrier is responsible for injuries suffered by a passenger on account of the willful acts or negligence of other passengers or of strangers, if the common carrier’s employees through the exercise of the diligence of a good father of a family could have prevented or stopped the act or omission.” Notably, for this obligation, the law provides a lesser degree of diligence, i.e., diligence of a good father of a family, in assessing the existence of any culpability on the common carrier’s part.


Case law states that the concept of diligence of a good father of a family “connotes reasonable care consistent with that which an ordinarily prudent person would have observed when confronted with a similar situation. The test to determine whether negligence attended the performance of an obligation is: did the defendant in doing the alleged negligent act use that reasonable care and caution which an ordinarily prudent person would have used in the same situation? If not, then he is guilty of negligence.” 


Sa iyong sitwasyon, totoo na ang pampasaherong sasakyan (common carrier) ay inaasahang gawin ang pag-iingat na tinatawag na “extraordinary diligence” pero hindi sa lahat ng pagkakataon. Kung ang pinsala ng pasahero ay natamo niya mula sa kapwa pasahero, ang hinihiling na uri ng pag-iingat mula sa pampasaherong sasakyan ay mas mababa at ito ay tinatawag “diligence of a good father of a family”. Kinakailangan lamang na mapatunayan na gumamit ng makatwirang pangangalaga at pag-iingat para maiwasan ang sakuna na nangyari sa iyong pasahero dahil kung hindi ay maaari ngang ikaw ay nagkaroon ng kapabayaan at kailangan ay managot sa danyos na natamo ng pasahero.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page