top of page

Panalangin para sa mahal na Pilipinas!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 hours ago
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | September 12, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Panginoon, maraming salamat po sa lahat ng biyayang Inyong ipinagkakaloob, kabilang ang lakas, kakayanan, at sidhing makipagsapalaran nang marangal kada araw. 

Kami po ay nananalangin sa Inyo nang lundo’t nakaluhod, habang tumatambad sa amin ang kalapastanganan at kawalanghiyaan ng ilang makapangyarihan at kanilang mga halang na kakuntsaba. 


Lumilitaw ang matagal nang nakakubling panggagahasa’t paglamon ng lamang-loob ng taumbayan — lalo na ng mga kapuspalad at nalilipasan ng gutom sa maghapon kahit ginagawa ang lahat ng makakaya upang mabuhay nang marangal. 


Tunay na nakakahiya sa mga naunang lahi ng mga bayaning pinairal ang katinuan at pagmamahal sa bayan. Kami’y tila nasa laot pa lamang at malayo-layo pa bago marating ang pampang ng kaayusan at kaunlaran. 


Kaya’t aming ipinagdarasal sa Inyo na kami’y patuloy na bigyan ng lakas at tapang upang ‘di bumitaw at ‘di matinag sa pakikiisa at pagmamalasakit tungo sa pagpapanagot sa mga nangulimbat ng walang awa sa bawat Pilipino, at pagsasaayos ng sistema sa bansa gaano man kasalimuot. 


Lubusan po sanang naming maarok na bagama’t kami’y magkakaiba ng kondisyon at sitwasyon ay ‘di ito maging hadlang sa timyas ng aming pakikipaglaban para sa katarungan. 

Uhaw na uhaw kami sa tunay at makabuluhang pagbabago sa Pilipinas. Buksan mo ng lubos ang aming kaisipan upang mabatid ang dapat gawin, lalo na para simulan ang pagbabago sa aming mga sarili. 


Nanghihingi po kami ng tibay ng loob, talas ng isip at tatag ng puso upang maging daluyan ng katotohanan at pumanig sa mga Pilipinong sinikil ang kalayaang mabuhay ng marangal sa sariling bayan. 


Inyo pong paigtinging kami ay maging daan para unti-unting maiangat ang kalagayan ng iba — ng iilan man o ng karamihan naming mga kababayan.

Mula sa kaibuturan ng aming pagkatao ay turuan N’yo po kaming umusad nang hindi nakapipinsala, umunlad nang hindi nangyuyurak, at guminhawa nang hindi nananamantala.


Paalalahanan N’yo kami sa tuwinang aming lilisanin ang mundong ito nang walang madadalang pagmamay-ari o kayamanan, maliban sa mga kabutihang naialay namin sa Iyo nang hindi kailanman umamot ng anumang parangal o gantimpala.

Gawin N’yo kaming daan para hindi magtiis o maghinagpis ang aming kapwa, bahagi man ng aming mundo o ‘di lubos na kakilala, upang ang susunod na mga salinlahi ay tuluyang matamasa ang isang dalisay at maaliwalas na Pilipinas.


Kami ay biyayaan ng mulat na mga kabataan, na sa kanilang gulang ay ‘di malilinlang ng mga gahamang nakatatandang walang malasakit sa bayan. 


Tulungan N’yo kaming magapi ang mga sakim at mapang-api, sa pamamagitan ng mga kilos na walang takot ngunit walang halong dahas at walang dugong aagos o buhay na maibubuwis. 


Na aming maipamukha sa mga walang pakundangan sa pagwawaldas sa kaban ng bayan na anumang pagpapahirap ng sambayanan ay pananagutan sa takdang panahon. 

Na hindi pa huli ang lahat upang mangarap nang lubos para sa aming bayang sinilangan. 

Lahat ng ito ay wagas na dalangin namin sa ngalan ng Inyong Anak na si Jesus.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page