Panahon na para simulan ang modernisasyon sa AFP

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 13, 2020
Palagi napag-uusapan ang modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ngunit kapansin-pansin ang sobrang bagal na pagsulong ng naturang programa dahil sa usad-pagong umano nang paglalaan ng pondo hinggil dito.
Kaya agad tayong nagsumite ng panukalang-batas na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 9184 o ang “Government Procurement Act of 2003” upang mapabilis ang paglalaan ng pondo sa kagamitang pandigma ng AFP para sa kanilang modernization program.
Ang pagsusumite natin ng Senate Bill No. 1830, na specialized procurement process para sa kagamitang pandigma ay kailangang maipagtuloy at mapanatili ang programa hinggil sa AFP modernization, upang mapalakas pa ang kakayahan ng militar, pulisya at iba pang tagapagpatupad ng batas.
Noong nakaraang pagdinig ng Commission on Appointments (CA) ay hiniling na ng liderato ng AFP sa Kongreso na maghain na ng amyenda hinggil sa napakahigpit na requirements para sa paglalaan ng pondo para sa mabilis na serbisyo at pagbili ng kagamitang pandigma.
Lalo pa’t hindi basta-basta ang pagbili ng modernong kagamitan na gamit sa ating depensa dahil karaniwang sa ibang bansa pa ito nanggagaling na may kahabaan din ang proseso.
Kaya tinanong ko si AFP Chief of Staff Lt. Gen. Gilbert Gapay hinggil sa 2019 Commission on Audit report na tumutukoy sa kakulangan ng implementasyon sa AFP modernization program, partikular ang mga proyekto na dapat kumpleto na noon pang 2018 at 2019.
Aniya, ang proseso ng AFP procurement ay base sa Republic Act No. 9184 at ang hindi maayos na bidding ay isa sa mga dahilan ng pagkakaantala ng implementasyon ng AFP modernization program, at sinabi pa nito na dapat umanong magsagawa ng bukod na procurement ang Kongreso para mapabilis ang proseso ng bidding.
Kaya agad nating isinumite ang SBN 1830 upang matugunan ang pangangailangan ng Department of National Defense at pamunuan ng AFP nang sa gayun ay mapabilis ang pagpapatupad ng labis na pagkakaantala ng naturang modernization program nang hindi naisasakripisyo ang kalidad at katiwa-tiwalang paglalaan ng pondo.
Sa ilalim ng ating panukala ang Secretary ng Department of National Defense (DND) ay maaaring mag-atas ng panuntunan upang pamahalaan ang procurement, serbisyo at imprastruktura upang mapaigting pa ang national defense program ng gobyerno.
Sa pag-amyenda sa Section 5 ng RA 9184, ang proyekto hinggil sa imprastruktura ay kabilang ang ship-building, repair, restoration at maintenance ng military ships, aircraft at iba pang major military equipment.
Samantala, kung ang procurement ay kasasangkutan ng national security interest, ang DND Secretary ay maaaring mag-atas ng paraan ng procurement na aplikable sa mga nabanggit na pangangailangang hindi na dadaan sa bidding basta’t aprubado ng Pangulo.
Gayundin, nakasaad na ang procurement ng domestic at foreign goods ay maaaring limitahan sa mga pangangailangang pang-depensa mula sa direktang manufacturer upang masiguro at mapanatili ang kalidad nito at mabigyan ng proteksyion ang procurement laban sa mga tiwaling suppliers.
Nakapaloob din sa panukala na kung ang defense equipment ay walang mabili sa bansa ay maaari nang payagan na walang requirements at public bidding para makaangkat sa ibang bansa.
Sana dahil dito ay mapadali ang modernization program para hindi tayo mapag-iwanan ng kalaban.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments