Panahon na para ilagay sa napapanahong presyo ang multa o bayarin ng mga kontratista
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 21, 2020
Isa sa mga katanungang nakaharap natin nang magsumite tayo ng panukalang-batas sa Senado ay kung bakit dapat nang amyendahan ang pagbibigay ng lisensiya sa mga kontratista sa construction industry.
Isinumite natin ang Senate Bill No. 1809 na naglalayong amyendahan ang Republic Act. No. 4566, na mas kilala sa tawag na Contractors’ License Law, na masyado nang sinauna o hindi na akma sa kasalukuyang panahon.
Sobrang tagal na kasi ng batas na ito na pinagtibay noon pang 1965 na hanggang ngayon ay ito pa rin ang ating ginagamit upang matiyak na kuwalipikado at mapagkakatiwalaan ang kontratista.
Napakahalaga ng ginagampanang papel sa construction industry ng mga kontratista lalo na sa national development kaya napapanahon nang itama at isabay sa kasalukuyang pamantayan ang umiiral na polisiya.
Mula noong 1965 hanggang sa kasalukuyan ay napakalaki na ng pagbabago at malaki na rin ang pag-unlad sa construction industry kaya tama lang na baguhin na ang umiiral na batas.
Una, layunin ng naturang panukala na paigitingin pa ang kompetisyon sa industriya, dapat itaas ang kakayahan at tiyaking maisalin ang teknolohiya upang mas marami ang makinabang sa kaalaman.
Ikalawa ay panahon na para mailagay sa napapanahong presyo ang mga multa o bayarin ng mga kontratista na labis naman kung kumita kumpara sa mga negosyante sa bansa na nagbabayad ng sapat na buwis.
Ikatlo ay maisasayos nito ang bisa ng lisensiya at kung hanggang saan ito maaaring gamitin upang mabilis silang makatugon sakaling may paanyayang lumalahok sa industriya at mahikayat silang magnegosyo sa bansa.
Sa ilalim ng naturang panukala, walang kontratista na maaaring makilahok sa negosyo ng pagkokontrata nang walang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) o lisensiya na maaaring magsagawa ng negosyo na sinusugan dapat ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP).
Nakasaad din sa SBN 1809, na ang foreign contractors na nais makilahok sa naturang industriya sa bansa ay maaari lamang mangyari kung masusunod nila ang criteria na ipinatutupad ng PCAB, na aprubado din ng CIAP.
Mula nang ipatupad ang naturang batas noong 1965 ay hindi pa rin naaamyendahan ang umiiral na bayarin kaya sa panukalang ito ay aabot sa P5,000 para sa original license ang dapat bayaran, P6,000 para sa examination ng aplikante at P5,000 para sa annual renewal.
Inilagay din sa panukala na ang bisa ng naturang lisensiya ay aabot lamang ng isang taon at maaaring i-renew sa pamamagitan nang application for renewal, isang buwan bago matapos ang petsa ng expiration.
Ang kontratista na magsusumite o magtatangkang magsumite ng bid to contract ng hindi muna kumukuha ng certificate o lisensiya ay pagmumultahin ng hindi bababa sa P50,000 kung ang halaga ng proyekto ay hindi hihigit sa P500 milyon at multa na hindi hihigit sa P500,000.
At ang lahat ng ito ay ipatutupad kung ang halaga ng proyekto ay mahigit sa P500 milyon, at maaari ring ipa-deport kung ang may paglabag ay foreign contractor.
Isa sa pinakamahalagang industriya ang construction sector na tinututukan ng pamahalaan noon pang 2016 na may mahalagang papel na ginagampanan sa ating imprastraktura at higit sa lahat ay nakapagbibigay pa ng trabaho sa marami nating kababayan.
Kaya panahon na talaga para amyendahan na ang inaanay ng batas na ito.
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o
mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments