Pampublikong daan, ‘di puwedeng rentahan o ibenta
- BULGAR

- 11 hours ago
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 5, 2025

Dear Chief Acosta,
May gusto lang akong itanong patungkol sa paggamit bilang talipapa ng mga pampublikong kalsada rito sa aming lugar. Hindi na makadaan ang mga sasakyan sa mga kalsada rito sa amin sa dami ng mga nagtitinda ng isda, karne, gulay, at iba pa. Sa tuwing sila ay aming tatanungin ay kanilang sinasabi na hindi sila puwede mapaalis dahil nagbabayad sila ng renta sa munisipyo, sa bisa ng isang ordinansa na ipinasa ng aming lokal na pamahalaan. Puwede bang rentahan para maging talipapa o maliit na palengke ang mga pampublikong kalsada rito sa aming siyudad? – Ruffa
Dear Ruffa,
Bago ang lahat, alamin muna natin ang konsepto ng tinatawag na “public dominion.” Nakasaad sa Article 420 ng New Civil Code na kabilang sa tinatawag na property of public dominion ang mga pag-aari ng Estado na ginagamit ng publiko, kasama ang mga kalsada o daan:
“Article 420. The following things are property of public dominion:
Those intended for public use, such as roads, canals, rivers, torrents, ports and bridges constructed by the State, banks, shores, roadsteads, and others of similar character; x x x”
Samakatuwid, maliwanag na ang mga pampublikong kalsada o daan ay kasama sa tinatawag na property of public dominion.
Ano ang implikasyon kung ang mga pampublikong kalsada o daan ay kabilang sa nasabing konsepto? Kung ang isang pag-aari ay pasok sa nasabing konsepto ng public dominion, hindi ito maaaring isailalim sa anumang bentahan o maging paksa ng isang kontrata, gaya ng pagrenta. Ipinaliwanag ng Korte Suprema sa kasong Francisco Dacanay vs. Mayor Macario Asistio (G.R. No. 93654, 06 May 1992), sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Mahistrado Carolina C. Griño-Aquino:
“There is no doubt that the disputed areas from which the private respondents' market stalls are sought to be evicted are public streets, as found by the trial court in Civil Case No. C-12921. A public street is property for public use hence outside the commerce of man (Arts. 420, 424, Civil Code). Being outside the commerce of man, it may not be the subject of lease or other contract.
As the stallholders pay fees to the City Government for the right to occupy portions of the public street, the City Government, contrary to law, has been leasing portions of the streets to them. Such leases or licenses are null and void for being contrary to law. The right of the public to use the city streets may not be bargained away through contract. The interests of a few should not prevail over the good of the greater number in the community whose health, peace, safety, good order and general welfare, the respondent city officials are under legal obligation to protect.”
Malinaw sa nasabing kaso na ipinawalang-bisa ng Korte Suprema ang kontrata ng pagrenta sa mga pampublikong daan para gamitin bilang talipapa o maliliit na palengke dahil ang nasabing pampublikong kalsada ay hindi maaaring maging paksa ng isang kontrata.
Kaya naman, bagama’t mayroong ordinansang inilabas ang inyong lokal na pamahalaan kaugnay ng pagbibigay karapatan sa mga nagtitinda na gamitin ang pampublikong kalsada, maaaring ang nasabing ordinansa, maging ang mga kontratang nabuo dahil dito, ay mapawalang-bisa dahil sa taliwas at kontra ito sa nakasulat sa batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments