top of page
Search
  • BULGAR

Pambubuking ng COA sa korupsiyon sa mga ahensiya ng gobyerno, oks!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 21, 2021



Salamat at may Commission on Audit (COA). Salamat at may ahensiya ng gobyerno na hindi kontrolado at hindi umaatras sa mga banta ni Pangulong Rodrigo Duterte. ‘Yan naman ang tungkulin ng COA. Bantayan kung paano nagagamit ang pondo ng gobyerno — pondo na galing din sa mamamayan. Naging mainit sa mata ni Pangulong Duterte ang COA matapos maglabas ng ulat na ang Department of Health ay may P67.3 bilyong pagkukulang sa dokumento o kung paano nagamit ang pondo. Binatikos ang COA na dapat hindi isinasapubliko ang mga ulat at idirekta na lang sa mga tinutukoy na ahensiya dahil napapasama agad sa mata ng publiko ang mga opisyal. Inutusan pa ang gabinete na ‘wag pansinin ang COA. Dinepensahan nang husto ang kanyang paboritong kalihim ng DOH.


Pero nasa Konstitusyon na kailangan malaman ng publiko ang lahat ng ulat na inilalabas ng COA, bagay na madalas hindi rin nirerespeto ng Palasyo. Ang mahalaga ay sila lamang ang masusunod. Wala naman sa ulat ng COA na ninakaw ang mga pondo pero ipinapaliwanag nila sa iba’t ibang ahensiya kung paano o bakit ganyan ang paggamit ng pondo. Katulad ng pinagawang infinity pool ng Philippine Ports Authority (PPA) sa La Union na sinabi ng COA ay hindi kailangan at pagsasayang lang ng pondo. Natural, umalma ang general manager ng PPA. Hindi luho ang infinity pool. Ano ba ang tungkulin ng PPA, kabilang ba ang mag-swimming o matuto lumangoy?


Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang ipinapaliwanag din kung bakit sa construction company bumili ng sanitary napkin, at mahal pa, kung may botika na malapit lang sa kanilang tanggapan, gayundin ang ‘stayson’ ng gobyerno hindi nakalusot sa mata ng COA. Pinaliliwanag kung bakit may halos P190 milyong piso ang ibinayad ng PTV-4 bilang sahod pero wala ring kaukulang dokumento, tulad ng daily time record. Hindi ba kailangan ng paliwang ang lahat na ito?


Ilan lamang ito sa mga kinikuwestiyon ng COA sa iba’t ibang ahensiya o kagawaran. Ayon kay dating COA chief Heidi Mendoza, nagiging bukas sa korupsiyon kapag napapadalas ang hindi pagsumite o pagpapaliwanag kung paano nagagamit ang pondo. Nakapagtataka kung bakit nagagalit si P-Duterte sa COA, kung ang isa sa kanyang mga sinabi ay kung may “whiff of corruption” ay aaksiyunan niya agad. “Whiff” pa ba ang mga ito, o umaalingasaw na pero hindi na lang pinapansin? Tama si Sen. Manny Pacquiao, tama ang ginagawa ng COA at kailangang managot ang mga tiwali at makulong. Kung ganyan sana kadali, matagal nang umapaw ang Bilibid.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page