Pambato ng ‘Pinas, 3rd runner-up… VICE: DAPAT, SI BEA ANG NAGING MISS U 2026!

ni Beth Gelena @Bulgary | November 27, 2026

Photo: YT & IG / Vice Ganda / themissuniverseph
Hindi napigilan ng Unkabogable Star na si Vice Ganda na ipahayag ang kanyang saloobin sa naging resulta ng Miss Universe 2026, kung saan nagtapos bilang third runner-up ang pambato ng Pilipinas na si Bea Millan-Windorski, habang Puerto Rico ang nag-uwi ng korona.
Sa live na programa ng It’s Showtime (IS), ipinahayag ni Vice ang kanyang paghanga sa naging laban ni Bea at ang paniniwalang karapat-dapat sanang masungkit ng Pinay ang pinakamataas na titulo sa prestihiyosong beauty pageant.
Ayon kay Vice, kinabahan siya sa simula ng kompetisyon nang maranasan ni Bea ang bahagyang pagpiyok sa kanyang pagpapakilala.
“Kinabahan ako sa simula kay Bea,” sey ni Vice.
“Pumiyok sa intro. Buti, walang nagbilang na mga judges,” natatawang sabi ng komedyante.
Nakiisa naman si Anne Curtis sa usapan at ipinagtanggol ang pagpiyok, na aniya ay normal lamang na mangyari sa isang tao.
“Wala namang problema kung nagpipiyuk-piyok tayo,” saad ni Anne.
Hindi pinalampas ni Vice ang pagkakataong biruin ang kanyang co-host.
“Okay lang ‘yung pumiyok, ‘wag lang ‘yung pangit talaga ang boses,” nakangiting banat ni Vice.
Dahil dito, nagtawanan ang mga hosts ng noontime show.
Dedma lang naman si Anne sa sinabi ni Meme Vice. Pinuri niya ang performance ni Bea, lalo na ang naging sagot nito tungkol sa turtle mentality.
Bagama’t hindi nakuha ni Bea ang korona, ipinakita niyang kaya niyang makipagsabayan sa mga kandidata mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Dapat nga, s’ya ang nanalo, eh… Nanalo, Puerto Rico,” wika pa ni Meme Vice.
“Saan ba ginanap?” tanong ni Vhong Navarro.
“Sa Puerto Rico,” sagot ni Vice.
‘Yun na!
IPINAGMAMALAKI ng producer na si Liza Diño ang panibagong milestone para sa Philippine storytelling matapos mapili ang kanilang orihinal na Filipino drama series na Never the Bride (NTB) para sa prestihiyosong SeriesLab ng TorinoFilmLab (TFL) sa Turin, Italy.
Kasama ang singer-direktor na si Ice Seguerra, ipinakilala ni Liza ang kanilang proyekto sa international stage, na itinuturing nilang malaking hakbang para sa Fire & Ice Media at sa pagpapalawak ng presensiya ng mga kuwentong Pilipino sa mundo.
Hindi basta-basta ang pagkakapili sa NTB dahil isa lang naman ito sa siyam na proyektong napili mula sa 96 na aplikasyon na nagmula sa 50 bansa.
Mas kapansin-pansin pa ang pagkilalang ito dahil ang nasabing serye ang kauna-unahang proyektong pinangungunahan ng Southeast Asian team na napabilang sa SeriesLab sa loob ng sampung taon nitong kasaysayan.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Liza ang kanilang excitement sa pagdadala ng kuwentong Pilipino sa international audience.
Ayon sa producer, kasama nila sa pagpapakilala ng proyekto ang direktor na si Ice at ang Italian co-producing partner nilang si Stefano Centini ng Volos Films.
Mula Nobyembre 26 hanggang 28, ihaharap nila ang NTB sa mahigit 350 international industry professionals sa TFL Meeting Event.
Layunin ng naturang pagtitipon na maipakilala ang proyekto sa mga potensiyal na katuwang sa international film at television industry.
Sa kabila ng kompetisyon mula sa iba’t ibang panig ng mundo, isang malaking karangalan para sa Filipino team ang mapabilang sa mga proyektong nabigyan ng pagkakataong maipakita ang kanilang kuwento sa naturang international platform.
Para kay Liza, hindi lamang ito tagumpay ng Fire & Ice Media kundi isang mahalagang pagkakataon din upang maipakilala ang husay ng mga Pilipino sa paggawa ng mga orihinal na kuwento.
Sa pamamagitan ng SeriesLab, umaasa ang team na makahanap ng mga katuwang na makatutulong upang maisakatuparan ang proyekto at maabot ang mas malawak na audience.
Isang patunay ang pagkakapili sa serye na may puwang sa pandaigdigang industriya ang mga kuwentong nagmumula sa Pilipinas.





Comments