top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Pamahalaan, dapat saluhin ang taas-singil sa serbisyong medikal

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 4, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 4, 2025



Boses by Ryan Sison

Habang iniinda ng publiko ang pagtaas ng presyo ng bilihin, ngayon naman ay sumasabay ang dagok para sa kanilang kalusugan, dahil sa banta ng taas-singil sa serbisyong medikal.


Matapos ianunsyo ng Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) ang dagdag-presyo sa kanilang operasyon, tiyak na dagdag-pasanin din ito sa mga mamamayan. 


Una nang sinabi ni PHAPI President Dr. Jose Rene de Grano, na 15% ang itinaas ng mga singil sa karamihan ng pribadong ospital, at maaari pa itong umabot ng 20% sa ilang level 2 at level 3 facilities. Giit niya, kailangan ito upang mapanatili ang operasyon sa harap ng pagtaas ng gastos sa suplay, gamot, kagamitan, kuryente, manpower, at infection control, kung saan higit 1,200 ospital sa bansa ang kasapi sa PHAPI.


Ngunit sa gitna ng panibagong pasanin ng taumbayan, tiniyak naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi magtataas ng singil ang mga pampublikong ospital na pinapatakbo ng Department of Health (DOH). 


Ayon kay Herbosa, hindi rin lubusang mararamdaman ang tinatawag na medical service cost increase ng publiko, lalo na ang mga working class. 


Isa sa mga tugon ni Herbosa ay ang pagkakaroon ng packaged benefits — kung saan naka-bundle na ang ilang serbisyo para makatipid ang pasyente -- gayundin ang pagpapalawak ng coverage ng PhilHealth upang saluhin ang gastos ng mamamayan sa kabila ng pagtaas ng mga serbisyong medikal sa pribadong sektor. Aminado rin kasi si Herbosa na ang pagtaas ng gastusing medikal ay nararanasan na sa buong mundo at hindi natatangi rito ang Pilipinas. 


Global ang epekto ng inflation sa sektor ng kalusugan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga makabagong kagamitan, teknolohiya, at serbisyo. Sana maging sapat ang proteksyon na kayang ibigay ng gobyerno para rito. 


Sa panahong ang kalusugan ay dapat pangunahing karapatan ng bawat mamamayan, tila unti-unting ito’y nagiging pribilehiyo lamang ng may kaya. 


Dapat hindi limitado sa may koneksyon lamang sa pamahalaan ang tulong, kundi abot-kaya rin ng lahat para sa mas patas at pangmatagalang solusyon para sa kalusugan. 

Sa ganang akin, tama lang na panatilihin ang kalidad ng serbisyong medikal subalit dapat sa prosesong hindi mapag-iiwanan ang mamamayan. 


Hindi sapat ang pangako ng gobyernong hindi tataas ang singil sa pampublikong ospital, kailangang tiyakin nila na mayroong pondo, kagamitan, mga health worker, at iba pa kahit sa mga pribadong pagamutan, upang ang mga dekalidad na serbisyong medikal ay totoong maibigay sa taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page