top of page
Kim Chiu - IG.jpg

Palpak na flood control design, dapat na baguhin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 27, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 27, 2024



Boses by Ryan Sison

Kailangan na magkaroon ng pagbabago sa gagawing mga flood control plan.

Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na dapat na aniya, “tingnan uli” at “i-reexamine” ang mga disenyo ng mga imprastruktura sa pagkontrol sa baha dahilan sa libu-libo ang dumanas ng hagupit ng Bagyong Carina at Habagat.


Ginawa ni PBBM ang pahayag matapos na inspeksyunin ang sitwasyon sa Valenzuela at Navotas Cities, dalawa sa mga lugar sa Metro Manila na matinding tinamaan ng bagyo na nagdulot ng mga pagbaha.


Ayon sa Pangulo dapat nang maging isang malaking plano ang tungkol sa flood control dahil may pagbabago na sa sitwasyon sa usapin ng tubig-baha.


Sa kanyang pag-iikot, sinabi ni PBBM na ang epekto ng Bagyong Carina at Habagat ay “mas malaki kaysa sa Ondoy,” na nagdulot din ng matinding pinsala sa buong metropolis at iba pang bahagi ng Luzon noong 2009, sa kabila ng mas mababang dami ng ulan nito. Kaya naman aniya, nangangailangan ng ayusin ang flood control design.


Ipinunto naman  ng Punong Ehekutibo na ang mga itatayong flood control ay dapat angkop sa kasalukuyang panahon kung saan kailangang ikonsidera ang climate change at pagtaas ng tubig-dagat. Iniutos na rin ng Pangulo na gumawa ng nararapat na hakbang para sa flood control management.


Nakakalungkot na may ganitong pangyayari sa ating bansa sa kabila na may inilaang pondo ang gobyerno para mga proyekto na makakaiwas sana sa mga pagbaha.


Lumalabas kasi na tila palpak at walang silbi ang ipinagmamalaking libu-libong flood control projects na ito ng pamahalaan dahil mas malawak at mas dumami ang naapektuhan ng tubig-baha.


Kita naman ng mga kababayan ang naging resulta na kahit na ginastusan ang mga proyekto na mula sa kaban ng bayan para sa pagkontrol ng baha ay lumubog pa rin ang hindi na mabilang na mga lugar sa Kamaynilaan. 


Ang masaklap pa, napakaraming mamamayan ang nagdusa at naghirap dahil sa nangyari habang ang iba sa ngayon ay wala ring kuryente sa kanilang lugar.


Hiling natin sa kinauukulan na sana planuhing maigi at pag-aralan nang mabuti ang lahat ng kanilang mga proyekto bago tuluyang isagawa, iyon talagang makakatulong at mapapakinabang ng taumbayan nang sa gayun ay hindi na maulit pa ang kapalpakan na ito at magsisi lamang sa huli.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page