'Palpak' na breathalyzers, nasayang lang
- BULGAR
- Aug 23, 2024
- 3 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 23, 2024

Tila nasayang lang ang mga equipment na inaasahang makatutulong sa mga otoridad laban sa mga pasaway na driver na nagmamaneho ng lasing.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, nabatid na hindi bababa sa 265 breathalyzers na nagkakahalaga ng mahigit P18 milyon ang ibinalik sa Land Transportation Office (LTO) dahil ang mga ito ay hindi gumagana o nonfunctional.
Ang bawat breathalyzer, na gagamitin sana ng mga law enforcer sa pagpapatupad ng anti-drunk driving law, ay nagkakahalaga ng P68,000.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP), ibinalik na nila ang kani-kanilang 215 at 50 units ng nasabing kagamitan.
Sa pahayag ni MMDA Acting Chairman Romando Artes, sinubok pa noon ni yumaong Chairman Danilo Lim ang breath analyzer sa pamamagitan ng isa sa mga security nito, kung saan uminom ito ng alak at sinubukan ang breath analyzer, pero nag-register ito ng zero alcohol level, kaya ibinalik nila ang mga equipment. Aniya, ang 215 units ay naibalik sa LTO bago pa ang COVID-19 pandemic.
Ipinahayag din ni Highway Patrol Group Deputy Director for Administration, Police Colonel Bobby Abao, na nakatanggap sila ng mga naturang unit subalit ibinalik nila ang mga ito dahil hindi na-calibrate.
Sinabi naman ni LTO Executive Director Francis Almora, nakapagbigay na sila ng kabuuang 756 units sa kanilang regional offices, MMDA at PNP.
Kaya naman binatikos ni Committee Chairman, Senator Raffy Tulfo ang LTO dahil dito. Ibig sabihin aniya, ang breathalyzer na P68,000 ang halaga lang noon ay wala pang piso dahil sa palpak ang mga naturang equipment. Diin ng senador, sinasayang lamang ang pera ng taumbayan.
Ayon kay Tulfo, sa US, ang isang breathalyzer ay nagkakahalaga lamang ng P5,000 hanggang P14,000, habang ang isang unit mula sa Thailand ay P3,000 ang halaga, at ang isang unit sa China ay nagkakahalaga naman ng P22,000.
Binanggit din ng mambabatas na batay sa Commission on Audit Report, nagpa-flag ng P51 milyong halaga ng kagamitan na hindi ginagamit ng LTO na kinabibilangan ng mga breathalyzer.
Katwiran ni Almora, nagamit ng kanilang regional offices ang mga breathalyzer at mayroon silang mahigit isang libong nahuli. Gayunman, hindi maipaliwanag ni Almora kung bakit may ilang breathalyzers ang hindi gumana dahil aniya, itinalaga lamang siya noong July 2023, pero ire-report din niya sa komite kung anong nangyari sa mga ibinalik na equipment.
Nangako naman si Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Jesus Ortega kay Tulfo na titingnan nila ang mga unused equipment habang ipagpapaliban ang pagbili ng bagong breathalyzer.
Marahil, dapat na ipaliwanag ng mabuti ng kinauukulan kung bakit ang mga naturang equipment na kanilang binili, bukod sa napakamahal ay hindi gumagana.
Kumbaga, wala rin itong silbi para makatulong sana sa mga otoridad sa pag-detect ng mga motoristang lumalabag sa anti-drunk driving law at lumalabas na nasayang lang ang libong pisong pondo na ipinambili rito.
Hiling sana natin na bago isagawa ang mga programa o anumang proyekto ng pamahalaan ay suriin at pag-aralan munang mabuti dahil alam naman natin na ito ay pinopondohan nang sa gayon ay hindi masayang at mauwi lamang ang lahat sa wala.
Alalahanin sana lagi na ang pondong gagamitin at gagastusin ay mula sa kaban ng ating bayan kaya marapat lamang na ilaan talaga ito sa makabuluhang proyekto para sa kabutihan ng mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments