top of page

Palpak ang Comelec, nanungkulang governor ng Catanduanes, Chinese pala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 14, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SI VP SARA NA NAGSABING FAKE NEWS NA BUTO’T BALAT NA LANG ANG PRESIDENTE -- Mismong si Vice Pres. Sara Duterte Carpio na ang nagsabi na ang mga kumakalat sa social media na larawan ng kanyang amang si ex-P-Duterte na buto’t balat na ay peke.


Kaya dapat tigilan na ng mga netizens na ipakalat sa social media ang ganitong larawan ni ex-P-Duterte kasi nga hindi magandang tingnan na ang matikas, matapang at palaban na dating presidente ay pinagmumukhang kaawa-awa, lalo’t ang anak na niyang bise presidente ang nagsabi na fake ang mga picture na buto’t balat na ang ex-president, boom!


XXX


MAINAM ANG NAGING AKSYON NG PAGCOR NA PAGPAPATANGGAL SA MGA BILLBOARD NA NAGPU-PROMOTE NG PASUGALAN -- Inatasan ng Pagcor ang mga gambling operator na tanggalin o baklasin ang kanilang mga billboard advertisements na humihikayat sa mamamayan na magsugal sa kanilang mga online gambling sites.


Napakainam ang naging aksyon na iyan ni Pagcor Chairman-CEO Alejandro Tengco, kasi nga naman kung dati ay ang nakikita ng publiko na mga nakalagay sa mga billboard ay iba’t ibang uri ng produkto, eh ngayon mga online pasugalan na, period!


XXX


EX-DEPED SEC. LEONOR BRIONES, KAHIT MATANDA NA SABIT PA RIN SA KATIWALIAN -- Iniutos ng Ombudsman na sampahan ng mga graft charges si former Dept. of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones at iba pang dating DepEd officials matapos masangkot at gumawa umano ng katiwalian ang mga ito patungkol sa overpriced na mga laptop na ipinamahagi sa mga public school teacher noong year 2021.


Pambihira naman ‘tong si ex-DepEd Sec. Briones, katanda-tanda na, eh nagawa pang madawit sa katiwalian sa DepEd, pwe!


XXX


PALPAK ANG COMELEC, NANUNGKULANG GOVERNOR NG CATANDUANES HULI NA NILANG NALAMAN NA CHINESE PALA -- Nang kumandidato si former Catanduanes Gov. Joseph Chua Cua sa pagka-alkalde ng Virac ay nag-file ng disqualification sa kanya ang katunggali niya dahil hindi raw natural born Filipino citizen ang dating governor dahil parehong Chinese national daw ang mga magulang nito.


Bagama’t natalo na si Cua sa nakaraang halalan ay inilabas pa rin kamakalawa ng Comelec ang desisyon nilang nagpapatunay na Chinese national nga si Cua.


Dito makikita na palpak talaga ang Comelec, kasi mantakin n’yo ang tagal nanungkulang governor si Cua sa Catanduanes mula 2007 hanggang June 30, 2022, eh kung hindi pa nag-file ng disqualification ang kanyang katunggali sa pulitika ay hindi pa malalaman ng Comelec na pekeng Pinoy pala ang naging governor ng Catanduanes, buset!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page