Paliwanag tungkol sa tinaguriang “non-compete clause”
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 26, 2021
Dear Chief Acosta,
Gusto ko na sanang umalis sa aking kasalukuyang trabaho ngunit nangangamba ako na baka mahirapan akong lumipat lalo na ngayong panahon ng pandemya, at dahil na rin sa tinatawag na non-compete clause na nakapaloob sa aking kontrata. Hindi ba void ang mga ganung kasunduan? Ano ang requirements para hindi malabag nito ang aking karapatan bilang manggagawa? – Badette
Dear Badette,
Nakapanghihinayang na hindi ninyo nabanggit kung ano ang nakapaloob sa mismong probisyon sa inyong kontrata na nagsasaad ng non-compete clause. Gayunman, ang mga nabanggit na kasunduan ay hindi agad void o walang bisa kung may sapat at makatuwirang limitasyon. Ayon sa Korte Suprema sa kasong Daisy B. Tiu vs. Platinum Plans Philippines, Inc. (G. R. No. 163512, February 28, 2007), na isinulat ni Honorable former Associate Justice Leonardo A. Quisumbing:
“Conformably then with the aforementioned pronouncements, a non-involvement clause is not necessarily void for being in restraint of trade as long as there are reasonable limitations as to time, trade, and place.
In this case, the non-involvement clause has a time limit: two years from the time petitioner’s employment with respondent ends. It is also limited as to trade, since it only prohibits petitioner from engaging in any pre-need business akin to respondent’s.”
Samakatuwid, kung ang non-compete clause sa inyong kontrata ay limitado naman sa panahon at sa linya ng kalakaran na sakop nito, ito ay maaaring ipatupad at dapat ninyo itong sundin. Ngunit mas makabubuti pa ring maipabasa ninyo sa abogado ang inyong kontrata upang mas masusing mapag-aralan ang nilalaman nito at mabigyang-proteskiyon ang inyong karapatan at upang mas makapagpasiya kayo sa susunod ninyong hakbang.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments