Palakad ng mga transport company, dapat busisiin para iwas-disgrasya
- BULGAR

- May 7
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 7, 2025

Malagim ang aksidenteng naganap sa SCTEX exit toll plaza sa Tarlac City kamakailan. Sampung katao ang nasawi, habang 37 naman ang nasugatan. Ang dahilan, aba’y nakatulog ang drayber ng pampublikong bus na rumagasa sa mga nakahintong sasakyan.
Isinailalim siya sa drug test at nagnegatibo naman ito, hindi tulad ng mga naunang nakatikim ng suspensyon ng kani-kanilang mga lisensya sa pagmamaneho kaugnay ng kanilang pagpopositibo sa ilegal na droga.
Gayunpaman, hinding-hindi maitatangging napakalaki ng pananagutan sa batas ng nakatulog na drayber na mahaharap sa mga kasong kriminal. At mahaharap naman sa mga kasong sibil ang may-ari ng kumpanya ng bus.
Sa isang banda, ang nagawang pagkakahulog sa lalim ng tulog ng nasabing tsuper ay bagay na kahit marahil siya ay hindi niya ninais na mangyari, kung kaya’t noong tawagan ng pansin ng isang nagmalasakit na pasahero ang kanyang matuling takbo habang papalapit sa toll plaza na naging daan para siya maalimpungatan ay kaagad siyang napatapak sa preno na ikinasubasob naman ng mga pasaherong lulan ng bus at nagpayupi sa mga tinamaang sasakyan.
Hindi tayo nakikisimpatiya sa drayber, na tila nagbihis-kamatayan upang mangalawit ng mga buhay na kinabilangan pa ng apat na musmos. Ang pagkalingat ng diwa ay walang puwang sa larangan ng pangangalaga sa kapakanan ng mga komyuter na tila bihag sa loob ng kanilang sinasakyan.
Subalit ang pangyayari na kinapalooban ng hindi ginustong pagkakaidlip sa gitna ng ganoong ka-sensitibong trabaho ay sumasalamin naman sa kalagayan ng napakarami nating manggagawa sa buong Pilipinas at maging sa ibang bayan — silang mga kapos sa tulog ngunit kailangang maghanapbuhay, at karamihan sa kanila ay walang karelyebo sa trabaho, at kulang sa araw ng pahinga.
Bilang hakbang ng pag-iingat, hindi lamang ang palakad ng kumpanyang Solid North ang nararapat busisiin, kundi maging ng lahat ng mga kumpanya ng transportasyon sa bansa sapagkat may mga nauulinigan tayong diumano’y mga sinasapit din ng ilang mga pampublikong drayber ng bus sa ibang kumpanya na nakakailang biyahe sa maghapon na pagtungo sa karatig-lugar ng NCR. Gumigising ng maaga dahil malayo ang inuuwian at madaling-araw ay nagsisimula na ng pagbiyahe.
Samantalang gabi na ring nakakauwi sa kanilang tahanan. Kahit gustuhing lumiban paminsan-minsan dahil sa pagod ay pinipilit na lamang pumasok sapagkat ang pag-absent ay mangangahulugan ng pagrereport at pagpapaliwanag sa kanilang tanggapan na may kalayuan ang kinaroroonan. Masuwerte pa kung sila ay magkaroon ng ganap na araw ng pahinga.
Kalaunan, Transportation Secretary Vince Dizon, ay marapatin rin ninyong silipin ang patakaran ng iba pang mga kumpanyang pantransportasyon lalo na sa sitwasyon ng mga drayber, at malamang sa hindi na may matisod kayong mga paglabag na ang kagyat na pagtatama ay siyang magiging daan para makaiwas sa mga kagimbal-gimbal na aksidente ang ating mga kababayan.
Ang pagtrato sa mga pampublikong drayber ng kani-kanilang mga kumpanya ay nararapat busisiin nang walang hindi kinakalukay. Kapag hindi sila pinagmalasakitan ng kumpanya, buhay ng mananakay ang maaaring kapalit.
Sa bandang huli, ang anumang pagtitipid sa pagkuha ng mga drayber ay magbubulid lamang sa lalong malaking disgrasyang maaaring kaharapin at milyun-milyong paggastos para ipagamot ang mga sugatan, ipalibing ang mga nasawi, at magbayad ng danyos na disin sana’y naiwasan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments