top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pakikipagkapwa-tao ang tunay na diwa ng Pasko

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 22, 2021
  • 4 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo |December 22, 2021



Nakalulungkot makita ang tindi ng trahedyang dulot ng Bagyong Odette sa buhay ng ating mga kababayan. Papalapit na ang Pasko at ang Bagong Taon, ngunit panibagong pagsubok na naman ang dumating sa ating bansa. Gayunman, nakikita nating nananatiling matatag ang diwa ng bayanihan na nagbibigay-lakas at pag-asa sa ating mga Pilipino.


Mula noong Sabado, agaran kaming nagsagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ng aerial inspections and ground visits sa mga lubhang natamaan na lugar. Ilan dito ay ang Siargao Island, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Southern Leyte, Cebu, Bohol at Negros Occidental. Sisikapin din naming mapuntahan sa susunod na mga araw ang iba pang apektadong lugar tulad ng Palawan.


Sa mga pagbisitang ito, personal na nakipagpulong si P-Duterte sa mga lokal na opisyal at mahihirap na komunidad upang alamin ang kanilang mga pangangailangan at matugunan ang mga ito sa lalong madaling pahanon. Ipinararamdam ng Pangulo, bilang ama ng ating bansa, na hindi natin pababayaan ang taumbayan, lalo na sa panahong hirap na hirap na sila.


Pangunahing direktiba ng Pangulo ang immediate return to normalcy. At upang maisakatuparan ito, mahalagang mabigyan ng emergency relief assistance ang mga biktima sa lalong madaling panahon. Kasama ang pamimigay ng sapat na pagkain, tubig, tulong sa pabahay at ayudang pangkabuhayan, tulad ng mga bangka at iba pang makinarya para muli silang makabangon.


At upang maiwasan ang mga mananamantala, iniutos ng Pangulo na siguraduhing patas ang presyuhan sa merkado, lalo na ng tubig, langis at iba pang essential goods and services.


Kasalukuyan ding pinag-aaralan ang posibleng pagdedeklara ng State of Calamity upang maisakatuparan ang price freeze at iba pang hakbang para maproteksiyunan ang interes ng mga apektado.


Kailangan ding masiguro na tuluy-tuloy ang pagpasok ng tulong mula sa mga kawani ng gobyerno at pribadong sektor. Kaya patuloy ang clearing operations ng DPWH, ang pagre-restore ng kuryente ng DOE, ang pagsasaayos ng communication lines ng DICT at repair ng mga transportation ports ng DOTR.


At para masiguro natin ang full recovery and rehabilitation ng mga apektadong lugar, inatasan din ni P-Duterte ang government finance managers na siguraduhing may pondo na gagamitin para sa rehabilitasyon. Nauna nang nagbigay ng utos ang Pangulo na bilisan ang pagre-release ng P2 bilyong calamity funds para sa mga apektadong LGUs at ahensiya ng gobyernong tumutugon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta.


Kumilos tayo agad at siguraduhing makararating ang tulong mula sa lahat ng nais tumulong.


Lahat tayo ay may kayang gawin para mapagaan ang pinapasan ng ating mga kababayan. Kung gaano kabilis at kadalas ang pagdating ng krisis sa ating bansa, dapat maging mas mabilis, maayos, at maaasahan ang serbisyo ng gobyerno upang maprotektahan ang kapakanan at buhay ng bawat Pilipino.


Ito ang dahilan kaya matagal nating inirerekomenda at paulit-ulit nating sinasabi bilang mambabatas at representante sa Senado na dapat magkaroon ng departamento para may timon na tagapamahala ng preparedness, response, and resilience mechanisms pagdating sa mga sakuna.


Matuto tayo sa ating mga napagdaanan upang mas makapagligtas ng buhay at kabuhayan ng mamamayan. Kung kaya’t ipinaglalaban natin ang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience na pangunahing mamamahala ng preparedness, response, and resilience measures.


Bago pa man dumating ang krisis, aktibo na dapat ito sa paghahanda. Kapag dumating na ang krisis, nakalatag na ang protocols upang mailigtas ang mga apektado. Pagkatapos, mabilis na nating maibabalik sa normal ang buhay ng mga nasalanta. Iisang departamento na ang dapat maging timon para mas madali ang koordinasyon at aksiyon dahil sa panahon ng krisis, bawat oras ay buhay ang nakasalalay.


Kailangan ding maipasa ang ating Senate Bill No. 1228 na gagawing mandatory ang pagkakaroon ng evacuation centers sa bawat lalawigan, lungsod at bayan sa buong bansa. Dapat masigurong ligtas, may sapat na kagamitan at personahe, at maayos ang temporary shelters para mabilis na makabangon ang mga nasalanta.


Inihain din natin ang Rental Housing Subsidy Act upang maging mas madaling mabigyan ng panibagong disenteng tirahan ang mga nawalan ng bahay. Hindi dapat hanggang relief lang ang tulong natin. Dapat masigurong makababangon ulit ang komunidad at mabibigyan ng mas ligtas at maayos na buhay pagkatapos ng krisis.


At bilang Chair ng Senate Committee on Health, patuloy ang ating pagtugon sa mga pangangailangang pangkalusugan ng mga biktima ng bagyo. Pinaalalahanan natin ang LGUs at health officials na siguraduhing ligtas at may sapat na gamot at kagamitan sa evacuation centers.


Siguraduhin din nating masusunod ang health protocols upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, lalo na ng COVID-19. Ayaw nating magkahawaan pa ng sakit at madagdagan pa ang hirap na nararanasan ng ating mga kababayan.


Habang rumeresponde tayo sa mga nasalanta, walang tigil din ang ating laban kontra pandemya.


Sa ngayon, nakapagturok na tayo ng 101.66 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19, as of December 20. Nasa 56.29 milyong Pilipino na ang nakatanggap ng unang dose at 44.21 milyong kababayan naman natin ang nakakumpleto na. Meron ding mahigit 1.15 milyong doses ng booster shots ang naiturok.


Bagama’t marami tayong mga dinaanang pagsubok nitong nakaraang mga taon, huwag tayong mawalan ng pag-asa. Ngayon pinakakailangan ang pagmamalasakit at pakikipagbayanihan natin sa isa’t isa. Magtulungan tayo para maiahon sa hirap ang buong sambayanan. Isantabi muna ang pulitika at unahin ang pagkakaisa upang mabigyan ng sapat na serbisyo ang mga kababayan nating walang ibang matakbuhan.


Ipamalas natin ang tunay na diwa ng Pasko sa pamamagitan ng ating pakikipagkapwa-tao upang masigurong makaaahon sa trahedya ang kababayan at magkakaroon ng mas ligtas at komportableng buhay sa susunod na taon.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page