top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pakikiisa laban sa Omicron variant upang tuluyang malampasan ang pandemya

BULGAR
Jan 7, 2022
3 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 07, 2022


Nitong Huwebes, nakapagtala ang bansa ng mahigit 17 libong bagong kaso ng COVID-19 sa loob lang ng isang araw. Nakababahala ito dahil ito ay napakalaking pagtaas sa bilang kumpara sa ilang daan lang na bagong kaso kada araw noong Disyembre.


Bilang Chair ng Senate Committee on Health, inuulit natin ang panawagan sa lahat: bakunado man o hindi, sundin ang lahat ng mga itinakdang health protocols, tulad ng pagsusuot ng facemask, pag-oobserba sa social distancing, palaging paghuhugas ng mga kamay at pag-iwas na lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan.


Ang paglaban sa pandemya ay responsibilidad nating lahat at hindi lamang ng gobyerno, kaya gawin natin ang ating parte upang tuluyan na nating malampasan ang pandemya.


Sa mga hindi pa bakunado pero kuwalipikado naman, nakikiusap tayo na huwag mag-aalinlangan pa. Magpabakuna na kayo dahil mas delikado kung unvaccinated. 'Yan ang totoo. Libre naman ang mga ito. Karamihan sa pinakagrabeng tinamaan at namamatay dahil sa COVID-19 ay hindi bakunado, ayon sa datos ng DOH.


Huwag natin sayangin ang naging sakripisyo natin sa nakaraang halos dalawang taon.


Bilang pagkilala at paggalang sa dakilang sakripisyo, lalo na ng ating mga medical frontliners na kung saan marami sa kanila ang nagbuwis na ng kanilang buhay, maging responsable sana tayo at patuloy na sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan. Ayaw natin na dumating sa punto na mahihirapan na naman ang ating mga healthcare facilities. Kaunting tiis at patuloy lang tayong makiisa sa gobyerno at magmalasakit sa kapwa.


Sa mga kasamahan natin sa gobyerno, siguraduhin nating naipatutupad ang health at quarantine protocols sa lahat ng oras. Huwag nating hayaang may iilang taong may prebilehiyo na lumabag sa mga ito. Ang mga patakarang ito ay pangkalahatan. Kahit anong antas ng iyong pamumuhay, dapat sumunod sa mga ito.


Umaapela rin tayo sa gobyerno na mas pabilisin pa natin ang pagde-deploy ng mga bakuna sa buong bansa upang mas maaga nating ma-attain ang ninanais nating herd immunity sa gitna ng iba’t ibang pagsubok na dala ng pandemya at ang pag-usbong ng mga bagong variants ng COVID-19.


Masaya naman tayong ibalita na, as of January 5, meron na tayong mahigit 210.63 milyong doses na natanggap. Nakapagturok na rin tayo ng mahigit 110.87 milyong doses kung saan 57.33 milyong Pilipino ang nakatanggap ng unang dose at mahigit 51.09 milyong kababayan natin ang nakakumpleto ng kanilang doses. Meron namang 2.45 milyong booster shots ang naibigay na rin.


Habang patuloy nating nilalabanan ang pandemya, patuloy din ang pag-iikot ng ating opisina upang tumulong sa mga kababayan nating pinakaapektado nito, pati na rin sa mga nasalanta ng nakaraang kalamidad at sunog.


Mula January 1-5, tinulungan natin ang 2, 212 residente na apektado ng pandemya sa Bgy. 31-D, Mandug, Cabantian, Communal, Bunawan, Sasa, Buhangin, Panacan at Tibungco sa Davao City. Ilan sa mga ito ay mga solo parents, senior citizens, PWDs, displaced workers at LGBT members.


Nag-abot din tayo ng tulong sa 220 displaced employees sa Nasugbu, Batangas; at 1,001 solo parents naman sa Cabuyao, Laguna.


Tumulong din tayo sa 94 na pamilyang nasunugan sa mga lungsod ng Quezon, Marikina, Manila, Taguig, at Muntinlupa; habang 48 na nasunugan naman ang naabutan natin ng tulong sa Cagayan de Oro City at Gingoog, Misamis Oriental.


Mga kababayan, kami ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy lang na magseserbisyo. Marami na tayong natutunan mula noong dumating ang pandemya sa ating bansa.


Huwag tayong maging kumpiyansa. Ipagpatuloy lang natin ang ating bayanihan at pakikiisa. Malalampasan din natin itong pinakabagong hamon na ito bilang mas matatag na bansa.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page