Pagtutuos ng Alas Pilipinas at Vietnam, inaabangan na!

ni Anthony E. Servinio @Sports | July 5, 2024

Mga laro ngayong Biyernes – N. Aquino
3 PM Czech Republic vs. Argentina
6:30 PM Pilipinas vs. Vietnam
Daraan sa malaking pagsubok ang Alas Pilipinas sa simula ng kanilang kampanya sa 2024 FIVB Challenger Cup for Women ngayong Biyernes. Nakaharang sa harap ng mga Pinay ang Vietnam sa laro ng 6:30 p.m. sa Ninoy Aquino Stadium.
Inilabas na ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang opisyal na listahan ng 14 manlalaro at magbabalik ang karamihan ng mga kasama sa koponan na nag-uwi ng tanso sa 2024 AVC Challenge Cup noong Mayo sa magkalapit na Rizal Memorial Coliseum. Pangungunahan muli ang Alas ni kapitana Jia Morado-de Guzman, Sisi Rondina, Thea Gagate, Angel Canino, Julia Coronel, Fifi Sharma, Dawn Macandili-Catindig, Faith Nisperos, Vannie Gandler, Dell Palomata, Cherry Nunag at Arah Panique.
Dalawa ang baguhan na sina Bella Belen at Jema Galanza na pinalitan sina Eya Laure at Jennifer Nierva. Gagabayan sila ni Coach Jorge Souza de Brito. Nakapasok ang World #34 Vietnam sa torneo sa bisa ng kanilang pagiging kampeon sa AVC Challenge. Winalis nila ang lahat ng anim na laro subalit hindi nila nakalaro ang Pilipinas.
Magtutuos sa pambungad na laro ang #16 Czech Republic at #17 Argentina sa 3:00 ng hapon. Pumangalawa ang mga Czech sa Sweden sa 2024 European Golden League habang ang Argentina ang bansa na may pinakamataas na ranggo sa Timog Amerika maliban sa Brazil na kalahok sa 2024 Volleyball Nations League (VNL).
Binuksan ang aksyon kahapon sa pagwalis ng Puerto Rico sa Kenya, 25-20, 25-19 at 27-25. Pinangunahan ni Grace Mar Lopez ang atake sa kanyang 19 puntos at sinuportahan ni Dina Reyes na may 10.
Hihintayin ng Puerto Rico sa semifinals ang magwawagi sa pagitan ng Belgium at Sweden. Para sa mga Kenyan, tututukan na nila ang paglahok sa 2024 Paris Olympics simula Hulyo 28.





Comments