Suarez kursunada si Foster na makasagupa hindi si Lomachenko

by Gerard Arce @Sports News | October 29, 2026

Photo: Unbeaten pro boxer Charly Suarez at unified junior-lightweight champion O’Shaquie Foster ng US
Maninindigan sa negosasyon ang kampo ni Olympian at unbeaten pro boxer Charly “The King’s Warrior” Suarez na makuha ang pagkakataong sumabak muli sa world title fight kontra kay unified junior-lightweight champion O’Shaquie Foster ng US kahit na kailangan ng panahon para maghintay.
Sasandal sa dibdibang pag-uusap ang promoter ni Suarez na si Sampson Lewkowicz sa Top Rank Promotions ni Bob Arum, na kapwa hawak sina Foster at dating kampeon na si Emanuel “Vaquero” Navarrete ng Mexico, gayundin ang nagbabalik na si 2-time Olympian titlist at dating 3-division champion Vasily “Loma” Lomachenko ng Ukraine, na nais munang ikasa sa Pinoy boxer.
Gayunman, para sa kampo ng 38-anyos na tubong Davao del Norte, maghihintay siya upang makuha ang tsansa para sa korona bilang mandatory challenger ng World Boxing Organization (WBO), na isa sa hawak ni Foster, kabilang ang World Boxing Council, at ang korona ng International Boxing Federation title, kasunod ng 12 round unanimous decision na panalo kay Navarrete noong nagdaang Linggo sa San Antonio, Texas.
“Doon kami kay Foster. Tingnan namin kung anong mangyayari sa negotiations,” pahayag ng head trainer at manager ni Suarez na si Delfin Boholst sa panayam ng Bulgar Sports. “Tingnan natin, basta kami ni Charly ready kami rito.”
Pinaninindigan ni Boholst ang inilabas na kautusan ni WBO President Gustavo Olivieri na naglalaan ng 180 days sa mananaig sa unification match sa pagitan nina Navarrete at Foster.
.





Comments