Golfer Malixi kampeon sa U.S. Landfall Tradition

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | October 28, 2026

Photo: Circulated / Golfer Rianne Mikhaella Malixi
Tuloy pa rin ang pagbibigay ni Rianne Mikhaella Malixi ng karangalan sa Pilipinas at kamakailan nga ay napagwagian ng dalagita ang kampeonato sa isang torneo habang naisalba pa rin ang runner-up honors sa isa pang paligsahan sa Estados Unidos.
Dinomina ni Malixi ang Landfall Tradition sa Wilmington, North Carolina nang isinalpak niya ang kartadang 12-under-par 204 para sa tatlong araw na paglalakbay. Umakyat sa 9 na palo ang naging bentahe ng 19-anyos na pambato ng Duke University kontra sa pinakamalapit na karibal (Macy Pate, pambato ng Wake Forrest).
Dahil sa dominasyon ng World Amateur no. 10, matagumpay din niyang pinamunuan ang kanyang koponang Duke sa trono ng team event na masaksihan sa mga fairways ng Landfall Country Club. Walong strokes ang naging agwat nila laban uli sa Wake Forrest.
Sa impresibong 2026, matatandaang hinirang si Malixi ng Women's Golf Coaches Association (WGCA) bilang "Freshman of the Year". Naging parte rin siya ng Division 1 "All-America Team".
Naitakas niya rin ang isang upuan sa podium ng US NCAA Division 1 Women's National Championships Stroke Play (California), Charles Schwab Women's Collegiate Invitational (Fort Worth, Texas), Darius Rucker Intercollegiate (Hilton Head Island, South Carolina), Women's Amateur Asia Pacific (Royal Wellington, New Zealand) at naging reyna sa isa pang NCAA Division I event (Sea Best Intercollegiate, Florida).





Comments